Natuldukan ang pagiging atleta dahil sa palpak na bakuna... HUSTISYA PARA SA BATANG MANLALARO NG SOC


PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

SI Lance Allen Mitra, 12 taong gulang, nakatira sa Laguna ay batang atleta, manlalaro ng soccer na marami nang naipong medalya. Panaghoy ng kanyang ina at ama ang tumambad sa sambayanan, kamakailan dahil sa kabila ng pagiging malusog at premyadong manlalaro ni Lance Allen ay naging biktima rin siya ng nakapipinsalang bakuna. Siya ang pang-isandaan at tatlo (103) sa mga sumailalim sa forensic examination ng Public Attorney’s Office Forensic Team (PAOFT), bagay na hiniling ng kanyang mga magulang na isagawa sa kanyang labi.

“Miyembro po kami ng Iglesia Ni Cristo,” ang sabi ng tiyahin ni Lance Allen habang mugto ang mga mata nito. “Naku po, panlima na po ang pamangkin ninyo na kaanib ng INC, sa mga naging biktima na lumapit sa amin. Katulad po ninyo, minabuti nila na humanap ng hustisya at hindi ilagay ang batas sa kamay nila. Ngunit, mas nakararami po ang Katoliko sa mga biktima,” ang sagot ko. May ilang mga Obispo lamang na lantaran na nakikiramay sa pagkamatay ng mga binakunahan.
Maaaring ang iba ay tahimik lang na naghihintay ng aksiyon ng pamahalaan sa mga pasimuno sa pagbili at pag-uutos na iturok habang nasa “clinical trial phase 3” pa ang bakunang ito.
Maraming lumalabas na paninira mula sa mga katunggali ng mga biktima laban sa Public Attorney’s Office (PAO) habang papalapit ang paglabas ng resolution ng unang batch ng kasong kriminal na isinampa ng mga magulang. Handang magtiis ang PAO sa pagtugon sa tawag ng tungkulin para sa paghahari ng hustisya.
Ang mga magulang naman sa pangunguna ni Gng. Sumachen Duminguez ng Samahan ng mga Magulang na ang mga anak ay Binakunahan ng Dengvaxia (SMABD) ay lalong nagiging matatag ang kalooban upang sanggahin ang mga batikos na tila kasalanan pa ng PAO at ng mga magulang ang pagkamatay ng mga binakunahan.
Habang si Ate Annie Gabito ay lalong tumatapang upang manguna sa pagsagip sa mga biktima nang sa gayun ay maagapan at mabigyan ng hustisya ang mga namatay sa bagsik ng kamandag ng mga mikrobyo na laman ng hiringgilya.
Sino ba ang nagpahintulot at pumirma sa “purchase request” ng bakuna? Walang iba kundi si Dr. Raymundo Lo na Deputy Director for Professional Services ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC). Siya ang nag-atas kay Dra. Sonia Gonzales na ipirma siya noong January 21, 2016 sa naturang dokumento.
Binili sa halagang tatlong (3) bilyong piso habang “experimental” pa ito.
Sina Sumachen at Ate Annie ay parehong mga ina na may mga hamon na pinagdaanan at patuloy na hinaharap hinggil sa mga trahedyang may kaugnayan sa kanilang mga supling.
Ang mga personal na sakit at hinagpis na kaakibat ng kanilang mapait na karanasan ay nagsisilbing tulay sa pag-abot nila sa pamilya ng mga biktima ng nasabing bakuna.
Ang mga mahal sa buhay ng mga biktima, hindi man magkakadugo ay madaling nagkaintindihan, puso sa puso ang lalim ng kanilang usapan at damayan. Ang ugnayang ito ang nagbubuklod sa kanila.
Ito ay patuloy pang lumalakas habang may natutuklasang mga ebidensiya na pumapalaot sa imbestigasiyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa naturang bakuna tulad ng nadiskubre kamakailan ni Congressman XJ Romualdo sa nasabing pirma sa “purchase request.”
Sa darating na December 3, 2018, may paglilitis sa Department of Justice (DOJ), para sa pangalawang batch ng mga kasong kriminal na isinampa ng mga magulang ng namatay pagkatapos bakunahan.
Ano kaya ang magaganap? Sana, ito ay magbibigay ng pag-asa sa mga biktima, lalo na sa mga patuloy na nagpaparamdam.
Sana, ay walang maghatid ng higit pang ikagagambala ng kanilang mga kaluluwa.
(Itutuloy)





Comments