Malinaw ayon sa palad... BABAENG NAKATAKDANG HIWALAYAN ANG KASINTAHAN


KATANUNGAN
May boyfriend ako ngayon, ang problema, nagkakalabuan na kami. Nangyari ‘yun dahil bukod sa marami kaming hindi pinagkakasunduan, kahit minsan ay hindi rin sumangguni sa isip niya ang pag-aasawa o ang pagpaplano para magkaroon ng sariling pamilya.
Napaka-busy niya sa maraming bagay at masasabi kong hindi niya priority ang relasyon namin.
Nalilito tuloy ako kung dapat pa ba akong mag-stay sa ganitong relationship at kung may future ba ito o wala na, ano ang dapat kong gawin, Maestro? Sana ay mapayuhan ninyo ako.
Malungkot talaga ako ngayon sa nangyayari sa aming relasyon dahil dati ay hindi naman kami ganito.
Kung hindi siya ang para sa akin, may iba pa kayang darating na lalaki sa buhay ko?
KASAGUTAN
Malamang, na hindi nga kayo ang itinakda para sa isa’t isa ng kasalukuyan mong boyfriend dahil hindi niya priority ang inyong relasyon.
Posible ring hindi kayo ang magkatuluyan kung saan ito ang nais sabihin ng pumangit na unang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na, bagama’t, noong mga unang taon ay naging makabuluhan at masaya ang inyong relasyon, tunay ngang habang tumatagal ang panahon, nagbabago ang lahat kung saan ang dati ninyong mainit na relasyon ay unti-unti nang nanlalamig tulad ng kape na inilagay sa loob ng freezer.
In short, dapat mo nang hiwalayan ang boyfriend mo na busy sa maraming bagay, kaya ang relasyon ninyo ay napababayaan. Samantala, ayon sa Astrology, ang zodiac sign mong Libra at Capricorn naman ang boyfriend mo ay may magkaibang elemento, sa iyo ay air at sa kanya naman ay earth na ang ibig sabihin, kahit magkatuluyan pa kayo ay hindi rin magiging masaya at panghabambuhay ang itatayo ninyong pamilya.
MGA DAPAT GAWIN
Andrea, ayon sa iyong mga datos, huwag mo nang asahan na muling magiging masaya ang inyong relasyon na malapit nang matapos. Kumbaga sa halaman, huwag mo nang asahang mabubuhay pa ang bulaklak na unti-unti nang nabubulok ang mga dahon.
Sa halip, ang pinakamaganda mong magagawa ngayon ay paghandaan mo ang inyong paghihiwalay na maaaring maganap anumang oras mula ngayon, upang kahit na maging malungkot ngayon ang Christmas mo, tiyak namang magiging masaya ang Christmas 2019 mo sa pagdating ng lalaking isinilang sa zodiac sign na Virgo na magiging ikalawang boyfriend mo na siya na ring itinakda ng tadhana upang makasama mo sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya (Drawing A. at B. 2-M arrow b.) at tulad ng nasabi na, nakatakda rin itong maganap sa taong 2019, sa edad mong 27 pataas.




Comments