Social media, bantay-sarado terorismo

KASABAY ng pagtalakay sa Anti-Terrorism Bill sa Senado, isang mambabatas ang humihirit na isama sa panukala ang pagbabantay sa social media accounts.
Hindi maitatanggi na lumalawak ang terorismo kaya dapat gawin ng gobyerno ang lahat upang mapigilan ito.
Sa ibang bansa, sinasabing legal na napakikialaman ang social media ng kanilang mamamayan, partikular ang mga makadaragdag sa banta ng terorismo.
Sakaling magkaroon ng ganitong kapangyarihan sa Pilipinas, umaasang magkakaroon ng isa pang paraan para matigil ang pananakot at paghahasik ng karahasan ng mga terorista na gumagambala sa kapayapaan.
Dapat ding tiyakin ng gobyerno na hindi malalabag ang freedom of expression at freedom of speech na nakasandig sa Saligang-Batas.
Gawin ding mas malalim at maingat ang pag-iimbestiga sa mga tutukuyin at paghihinalaang terorista.
Kung lulusot ang batas, puwede nang mag-shutdown ng social media account upang mapigilan ang paghahasik ng terorismo.
Sa atin namang mga netizen, huwag gawing biro ang pagpo-post ng mga bagay na may kaugnayan sa seguridad ng ating bansa.
Siguro naman, hindi na natin kailangan ng batas para maging responsable, ‘ika nga, basic!





Comments