Pahiwatig na magkakaroon ng sakit ang mga anak

Salaminin natin ang panaginip ni Jeane ng Jeane_Baghari@facebook.com
Dear Professor,
Tanong ko lang kung ano ang ibig sabihin ng panaginip ko na may outing ang asawa ko sa work nila? Kasama kami ru’n, kaso ‘yung mga anak namin ay nahiwalay ng sasakyan, nakasakay sila sa bus, tapos kami ng asawa ko ay nakamotor lang.
Nang dumating kami sa pupuntahan namin ay manghang-mangha ako sa lugar na nakita ko, napapa-wow pa nga ako, eh, kasi kakaiba raw talaga ito at parang palasyo na sa bundok lang matatagpuan at saka punumpuno ito ng mga usok na kulay puti.
Nang pumasok daw kami sa loob, lahat ng tao na nakikita ko ay tahimik, habang ako ay hindi pa rin makapaniwala sa lugar na ‘yun.
Huli ko nang napansin na may kakaiba sa lugar na ‘yun, bigla kong naalala ‘yung dalawang anak namin at saka ko napansin ‘yung asawa ko na takot na takot at parang ayaw pa rin niyang umalis, tapos nang pinagsabihan ko siya na bakit parang ayaw pa niyang umuwi ay bigla na lang akong naiyak sa harapan niya at saka lang niya naisip na kailangan na naming umuwi.
Lahat kaming pumunta sa lugar na ‘yun ay nakaputi, pagkatapos nu’n ay nagising na ako.
Sana, masagot ninyo ang panaginip ko.
Maraming salamat!
Naghihintay,
Jeane
Sa iyo Jeane,
Ang panaginip mo ay nagsasabing, hindi maganda ang kalagayan ng mga bata sa mga araw na ito.
Gayunman, panandalian lang din ang hindi magandang kalagayan nila dahil ilang araw lang ang lilipas ay gaganda na ang sitwasyon ninyo.
Kaya lang nagpapahayag ang panaginip mo na masyado kayong abala ng asawa mo.
Maaaring sabihin natin na hindi ka abala dahil wala ka namang gaanong pinagkakaabalahan, pero ito ay nagsasabing abala ang isip mo sa ibang bagay tulad ng kung paano gaganda ang iyong kapalaran at ano kaya ang mangyayari sa mga banta na maaaring lumipat kayo ng tirahan.
Kaya naman, ang maipapayo namin para sa mga magulang, anuman ang laman ng isip at obligasyon sa bahay o sa trabaho, ang pagmamahal sa mga anak ang unahin bago ang iba.
Kabilang dito ang pagpapakain sa kanila ng tamang pagkain, paglimita sa paglalaro kapag sumobra na at iba pang bagay na magpapasaya sa kanila ay maganda ring isabuhay tulad ng pamamasyal.
Muli, unahin mo ang iyong mga anak bago ang ibang bagay.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo





Comments