Malinaw ayon sa palad... LALAKING NAKATAKDANG YUMAMAN KUNG GAGAMITIN ANG LIBANGAN SA PAGNENEGOSYO
- BULGAR

- Nov 27, 2018
- 2 min read

KATANUNGAN
Binata pa lang ako ay pangarap ko nang yumaman, pero nakapag-asawa na agad ako, nakapagtrabaho, nagkaanak, nagkaapo at ngayon ay retired na ako at nag-aalaga na lang ng mga hayop at halaman sa maliit na lupang nabili ko sa bukid, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako yumayaman.
Naisipan kong sumangguni sa inyo, Maestro, upang itanong kung may pag-asa pa kaya akong yumaman at sa paanong paraan kaya at kailan?
KASAGUTAN
Upang yumaman ka, Carding, ang pinakamaganda mong dapat gawin ay magnegosyo ka o sa ibang salita, imbes na mag-alaga ka ng mga hayop at halaman sa bukid na nagsisilbing libangan mo lang, puwede mo namang gawing pormal at tunay na negosyo ang iyong libangan. Ito ang nais sabihin ng malinaw at makapal na Business Line (Drawing A. at B. N-N arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Kung saan imbes na r‘yan ka lang sa bukid nagpipirmi, ang isa pang mas maganda ay kung maghahanap ka ng puwesto sa palengke o kaya ay sa poblacion kung saan makae-establish ka ng maraming market at connection upang doon magbukas ka ng tindahan na may kaugnayan sa mga agricultural product, kasabay nito pagbutihin mo ang paghahayupan at paghahalaman mo sa bukid, maaaring kumuha ka ng tagabantay at tagapangalaga ng mga hayop at halaman mo habang ikaw ay magsisilbing pinaka-manager ng inyong farm.
Sa ganyang paraan, mapalalaki mo ang iyong negosyo at mas madali kang uunlad at yayaman. Kung ayaw mo naman ng tindahan na may kaugnayan sa agricultural products, puwede rin namang dagdagan o paramihin mo ang mga alaga mong hayop at mga halaman tulad ng maraming kambing at baka o kaya ay pilitin mong maging supplier ng mga gulay at iba pang agricultural products sa inyong palengke. Ganu’n ang gawin mo upang yumaman, kailangang may negosyo at may kalakal kang ibinebenta.
Sa ganyang paraan na nagnenegosyo ka tulad ng nasabi na, ang malinaw at makapal na Guhit ng Negosyo (Drawing A. at B. N-N arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad ay matutupad at ito ay nagsasabing sa malakihang pangangalakal, mas mabilis kang uunlad hanggang sa tuluy-tuloy ka nang yumaman.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Carding, sa partikular na straight Head Line (Drawing A. at B. H-H arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad at ang malinaw na Business Line (N-N arrow a.) ay nagsasabing kapag sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyong tinuran na sa itaas, hindi pa huli ang lahat para magnegosyo, kapag nagawa mo ‘yan, walang duda, sa taong 2023, sa edad mong 65 pataas, hindi pa gaanong katandaan dahil batak ang katawan mo sa kabukiran, hindi mo na rin mapapansing unti-unti na palang lumalago ang iyong kabuhayan hanggang sa yumaman ka na at magkaroon ng maunlad na buhay.




Comments