Malinaw ayon sa palad... BEBOT NA NAKATAKDANG MAKATULUYAN ANG KASALUKUYANG BOYFRIEND


KATANUNGAN
Maestro, nagbabalak na kaming magpakasal ng boyfriend ko sa susunod na taong 2019, kaya itatanong ko kung anong buwan magandang magpakasal at kung halimbawang nakasal na kami, magiging maunlad, maligaya at panghabambuhay na kaya ang papasukin naming pagpapamilya?
Isinilang ako noong August 29, 1993 habang ang boyfriend ko naman ay isinilang noong May 16, 1990.
KASAGUTAN
Kapansin-pansing maayos at maganda ang pagkakaguhit ng kaisa-isang makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Tanda na kung matagal na kayong magkarelasyon ng boyfriend mo at nagmamahalan naman kayo nang tapat at totoo, puwedeng-puwede na kayong magpakasal sa susunod na taong 2019 sapagkat ang maligayang pag-aasawa na binabanggit ng kaisa-isa at makapal na Marriage Line (arrow a.) ay madali namang kinumpirma ng walang bilog, hindi nalatid at nakatuntong sa Bundok ng Jupiter na tinatawag din nating Bundok ng Kaligayahan (arrow b.) na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na ang papasukin mong buhay-pag-aasawa ay siguradong magiging maligaya, matagumpay at panghabambuhay na.
MGA DAPAT GAWIN
Ang zodiac sign mong Virgo at Taurus naman ang boyfriend mo ay nagsasabing mapalad at suwetung-suweto kayong magsama at magpakasal sa susunod na taong 2019 kung saan mas mainam kung sa buwan ng Mayo o kaya ay Oktubre ninyo ito gawin sa mga petsang 1, 10, 19 o kaya ay 28.
Mas mainam din kung gagawin ang inyong kasal sa panahong bilog at malaki ang buwan sa kalangitan o full moon upang tulad ng liwanag ng buwan, magiging papabulas at papaunlad ang inyong pamilya habang patuloy kayong nagsasama at nagmamahalan.




Comments