LAKAS NINA SANTISIMA AT PAGARA, IBABALANDRA SA PINOY PRIDE 45
- Eddie M. Paez, Jr. / MC
- Nov 25, 2018
- 1 min read

HANDA nang magpakitang-gilas at magpamalas ng natatanging lakas ang tatlong knockout artist ng ALA Boxing gym na sina Jeo “Santino” Santisima, “Prince” Albert Pagara, at KJ Cataraja sa “Pinoy Pride 45: Quest For Greatness,” na mapapanood sa S+A ngayong Linggo (Nob. 25) ng 11:30 am. Tatlong titulo ang nakahanay para sa mga pambato ng bansa kontra kina Uriel “Yuca” Lopez at Hugo “Scarface” Reyes ng Mexico at George Krampah ng Ghana.
Haharapin ni Santisima (16-2, 10 KOs) ang pinakamatinding hamon sa kanyang batang karera sa mundo ng professional boxing sa mukha ni “Yuca,” na may hawak na 13-6-1 na kartada. Hawak ngayon ni Santisima ang sinturon ng WBO Oriental Super Bantamweight habang kinikilala naman bilang Interim na hari sa WBC Latino Super Bantamweight division si Lopez.
Samantala, nais ipagpatuloy ni Pagara (30-1, 20 KOs) ang muling pag-init ng kanyang karera pagkatapos matalo sa unang pagkakataon kontra kay Cesar Juarez, na sinundan niya ng apat na magkakadikit na panalo. Kasalukuyang nasa ika-limang rango ng WBO si Pagara at dedepensahan niya ang kanyang titulo bilang kampeon ng WBO Intercontinental Super Bantamweight division kontra kay Krampah (14-3, 12 KOs) na hindi rin biro ang dala-dalang lakas sa kamao.
Hindi papahuli ang bagong pambato ng ALA Boxing Gym na si KJ Cataraja kung lakas at lakas lang ang usapan. Wala pang bahid ang kartada pagkatapos ng walong laban, na sinamahan niya ng 7knockout.
Haharapin ni Cataraja ang isa pang bagito na si “Scarface” (9-1-1, 7 KOs) para sa bakanteng trono ng WBO World Youth Super Flyweight division.





Comments