MENDOZA AT MARTIN, DOMINADO ANG GO-FOR-GOLD TRIALS


TAGAYTAY CITY—Dinuplika nina Marcryan Mendoza at Aljim Martin ang tikas sa massed start road race sa bisa ng impresibong pagtatapos kahapon sa individual time trial ng Philcycling-Go For Gold National Junior and Youth Trials.
Pinakamabilis na natapos si Mendoza sa karera, sumagitsit sa finish line ng 18 minuto at 6.55 segundo nang tapusin ang 13-kilometer course na nagsimula at nagtapos sa Praying Hands dito.
Dobleng tuwa ng ama na dating rider at duathlete na si Ryan Mendoza, nang tumapos ang anak na halos 1 minuto na mabilis kay Efren Reyes Jr., na una rin niyang tinalo sa Lian, Batangas ng nakaraang araw.
Napili ng organizers sina Mendoza at Reyes na maging bahagi ng national junior team maging si Martin, na bumubuntot ng 20-segundo mula kay John Paul Laureta na matikas ngayon sa hanay ng rider sa youth division.
Aalagaan nina Go For Gold godfather Jeremy Go at Go For Gold project director Ednalyn Hualda ang riders na kakarera para sa national developmental team sa ilalim ng naturang koponan. (VA / MC)





Comments