3 PINOY, LUSOT SA PULUTONG NG ALL-JAPAN 10-BALL FINAL
- Eddie M. Paez Jr.
- Nov 24, 2018
- 1 min read

KASAMA ang mga Pinoy na sina Carlo Biado, Lee Vann Corteza at Jeffrey De Luna sa unang pulutong ng mga bilyaristang nakausad sa final 32 ng World Pool Billiards Association (WPA) rated na 2018 All-Japan 10-Ball Billiards Championships sa Archaic Hall ng Amagasaki-city, Hyogo, Japan.
Limang iba pang mga pambato ng Pilipinas sa katauhan nina 2017 All-Japan Championship king at WPA no. 9 Johann Gonzales Chua, 2017 World 9-Ball runner-up at WPA no. 10 Roland Garcia, Jeffrey Ignacio, Warren “The Warrior” Kiamco at Ramil Gallego ay kasalukuyang nakikipagtagisan pa ng husay habang isinusulat ang artikulong ito.
Dumapa sa tikas ni Biado, 2017 World 9-Ball champion at WPA no. 3, si Japanese ace Tasuku Nishio, 11-2. Sa final 32, sasagupa ang Pinoy kay Taiwanese gem Liu Cheng Chieh sa torneong naglaan ng kabuuang halagang JPY 6,316,000 (USD 56,780) para sa mga makapapasok sa winners’ circle. Bahagi nito ang champion’s purse na JPY 1,800,000 (US$16,185).
Hindi pinaporma ni Corteza, 2017 World Straightpool titlist, si Indonesian Irsal Afrinneza Nasution, 11-3, habang taob din sa kaparehong iskor si Mathew Edwards ng New Zealand laban kay De Luna.
Si Hayato Hijikata ng Japan ang susunod na makakalaban ni Corteza samantalang isa pang Hapones (Toru Koribayashi) ang susubok sa husay ni De Luna.





Comments