LIFESAVERS, BUHAY NA BUHAY ASSETS, ‘DI MAKAPORMA SA PSL


TINAPOS ng Generika-Ayala Lifesavers ang first round na mataas ang morale nang talunin sa 26-24, 20-25, 25-17, 25-19 ang Cocolife Asset Managers sa Philippine Superliga All-Filipino Conference kahapon sa Filoil Flying V Centre. Wala sa aksiyon si head coach Sherwin Meneses pero hindi ito problema dahil nakabalanseng atake pa ang tropa upang pumalaot sa ikaapat na diretsong panalo sa prestihiyosong club tourney.
Sa pagwawagi, pumatas na ang Generika-Ayala sa Cignal HD Spikers sa 4th spot na may 4-3 win-loss mark. Namuno si Patty Orendain sa scoring parade na may 22 points habang si Fiola Ceballos ay nagpakawala ng all-around performance sa 20 markers, 13 digs at 13 excellent receptions para sa Lifesavers, na bitbit ang kumpiyansa nang talunin ang powerhouse F2 Logistics sa four sets ng nakaraang dalawang linggo.
Impresibo rin sina Angeli Araneta at Ria Meneses na may tig-18 at 10 iskor habang si libero Kath Arado ay rumehistro ng 31 digs at 21 excellent receptions sa 2 oras na laban. “We started the conference with three straight losses. That was tough. But when we won over F2 Logistics, that’s when things turned around for us,” ani Generika-Ayala assistant coach Parley Tupaz. “After that win, we gained confidence, we were able to play at our best.” Sinabi ni Tupaz, na humalili muna kay Meneses na nasa abroad at dumalo sa FIVB coaching course seminar, na bagamat pakay nila ang progreso, natutuwa sila at umuusad ang kanilang chemistry at laro kung kinakailangan.
Nakapag-ambag si Filipino-American spiker Kalei Mau ng game-high 26 points, 12 digs at 16 excellent receptions para sa Cocolife, na umislayd sa 1-6. Sina Alex Tan at Arianna Angustia ay may tig-10 puntos. (MC)





Comments