CHUA, BIADO AT CORTEZA, PASOK SA WPA KO STAGE
- Eddie M.Paez, Jr.
- Nov 23, 2018
- 1 min read

IPINOSTE nina Johann Chua, Carlo Biado at Lee Vann Corteza ang magkakahiwalay na mga tagumpay sa halos magkakatulad na pamamaraan upang makapasok na sa knockout stage ng World Pool Billiards Association (WPA) rated na 2018 All Japan 10-Ball Championships sa Archaic Hall ng Amagasaki City, Hyogo, Japan.
Umusad na rin sa huling 64 na mga bilyarista ng paligsahang may winners’ cash pot na JPY 6,316,009 (US$56,780) ang iba pang mga kinatawan ng bansa na sina WPA no. 10 Roland Garcia, Warren “The Warrior” Kiamco, Jeffrey De Luna, Jeffrey Ignacio.
Tiklop kay Chua, 2017 All Japan king at WPA no. 9, si Daigo Shigemori ng Japan, 9-4; lampaso ang natikman ng Kiwi na si Matthew Edwards, 1-9, mula sa hari ng 9-ball sa buong mundo na si Biado at naturuan ng malupit na leksyon ng 2017 World Straightpool titlist na si Corteza ang local gem na si Yukio Akagariyama, 9-1.
Nalagpasan ng Cebuanong si Kiamco ang hamon ni Kousuke Toujou ng Japan, 9-8; samantalang halos sa ganitong paraan din namayani si Garcia, 2017 World 9-Ball championship bridesmaid kay Katsuji Teriya, 9-7. Medyo magaan ang pangingibabaw ni De Luna laban kay Ryojo Aoki, 9-4.
Dalawang Pinoy pa sina Ramil Gallego at Antonio Lining, ang may pag-asa pang makapasok sa knockout phase at magpatuloy ang kampanya para sa champion’s cash prize na JPY 1,800,000 (USD 16,185) kung magwawagi sila mula sa losers’ round finals.





Comments