Nanalo sa lotto, may hawak na holen, nakakita ng tubig na malinaw at maraming pera
- BULGAR

- Nov 21, 2018
- 2 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Henrilyn ng Henrilyn_Samijon@facebook.com
Dear Professor,
Nais kong itanong kung ano ang ibig sabihin ng panaginip ni Tatay Felix dahil napanaginipan niya na nanalo ako sa lotto, may ibinigay si tatay na mga numero sa akin na dapat ko raw tayaan. Ano ang ibig sabihin nito?
Minsan, nakita ko rin sa panaginip ko na may hawak akong holen na sobrang linaw, gayundin, nakakita ako ng tubig na malinaw.
Samantala, nakakakita rin ako ng maraming pera sa aking panaginip. Sana, matulungan ninyo ako.
Maraming salamat!
Naghihintay,
Henrilyn
Sa iyo Henrilyn,
Problemado sa pera ang nanaginip na tumama o tatama sa lotto kung saan malaking halaga ng pera ang kailangan niya. Puwedeng para ito sa personal na pangangailangan sa gustong gawin, pero hindi magawa-gawa dahil walang pera o kaya ay gustong tumulong sa kapwa, pero sa pinansiyal na pamamaraan.
Pero, may isang masuwerteng balita na kahulugan din ng tumama sa lotto at ito ay nagsasabing sigurado na sa ibang araw o panahon ay puwedeng-puwede talagang manalo sa lotto ang nanaginip ng tulad sa panaginip na itinatanong mo.
Ang hawak mong holen na sobrang malinaw at tubig na sobrang malinaw din ay nagsasabing hindi ka darayain ng puso mo at ang pahabol na payo sa iyo ay huwag mong sundin ang utos ng isip mo at ng ibang tao.
Gayundin, ang kahulugan ng maraming pera ay nagsasabing, sa tunay na buhay, kailangan mo ang ganu’ng karaming halaga ng pera dahil sa pag-aanalisa ng panaginip mo, ito ay nagsasabing, kung ano ang wala sa reyalidad, magkakaroon ka nito sa iyong mga panaginip.
Kaya nga marami ang nag-aakalang ang panaginip ay kabaligtaran ng tunay na buhay.
Gayunman, ang panaginip ay nagbabalita rin na ito ay mangyayari pa lang, kaya ang walang pera sa panaginip ay magkakapera sa totoong buhay, pero sa hindi matukoy na panahon dahil ang panaginip ay nagmumula sa pinakamalalim na kamalayan ng tao at sa sobrang lalim ng pinanggagalingan nito, matagal ito bago mangyari sa reyalidad.
Minsan, mabilis din naman itong nangyayari lalo na kapag ang tao ay hindi pinaghaharian ng pag-aalinlangan at kahinaan ng loob.
Dahil dito, kahit na sobrang tagal na ng iyong panaginip, hindi natin maipagkakailang, nagsasabi rin ito ng katotohanan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo




Comments