NU, ‘DI PINAPORMA ANG FEU SA UAAP HIGH VOLLEYBALL


NAUNGUSAN ng reigning 4-time girls champion National University ang Far Eastern University-Diliman, 27-29, 25-18, 25-27, 25-18, 15-9 para palawigin ang kanilang winning streak hanggang walong laro noong nakaraang Sabado sa UAAP Season 81 high school volleyball tournament sa Blue Eagle Gym.
Nagsalansan si Sheena Toring ng 18 puntos, habang tumapos si Alyssa Solomon na may 17 puntos para manguna sa Junior Lady Bullpups sa paggapi sa Baby Tamaraws.
Sanhi ng pagkatalo, bumagsak ang FEU-Diliman na nakahugot ng 17 hits mula kay Lyann de Guzman sa 4-5, panalo-talong marka.
Umiskor naman sina Alleiah Malaluan at Angel Canino ng pinagsamang 43 puntos para pamunuan ang De La Salle-Zobel sa kanilang pamamayani kontra University of Santo Tomas, 25-23, 25-19, 16-25, 27-25.
Bunga nito, tumatag ang kanilang kapit sa ikalawang puwesto taglay ang barahang 6-2.
Bumaba naman ang Junior Tigresses sa kartadang 5-4, isang laro ang agwat sa mahigpit nilang kaagaw na Baby Tamaraws para sa huling semifinals berth.
Samantala, nanaig ang University of the East laban sa University of the Philippines Integrated School, 22-25, 25-16, 25-17, 25-20, para sa pangalawa nilang panalo ngayong season. (VA)





Comments