HOTSHOTS, INILAGLAG ANG GINS SA SEMIFINAL


TINAPOS na ng Magnolia Hotshots ang paghihirap ng Barangay Ginebra matapos kikigin ang 112-108 panalo kagabi sa Game 4 ng 2018 Philippine Basketball Association Governors Cup semifinals sa Ynares Center, Antipolo.
Nangalabaw si reinforcement Romeo Travis ng 50 points at 13 rebounds upang ilista ang 3-1 serye para sa Hotshots sa kanilang best-of-five battle. Dahil sa panalo, sampa na sa championship round ang Magnolia.
Dikdikan ang laban sa first at second quarters kung saan lamang lang ng dalawang puntos ang Gin Kings, 53-51.
Subalit kumikig ang Pambansang Manok Magnolia ng 30-26 sa third upang agawin ang bandera, 81-79 papasok ng fourth canto.
Samantala, puro na ang Alaska Aces sa pagmartsa papuntang finals kaya naman nakatatak na sa isipan nila na kunin ang panalo kontra Meralco ngayong ala-6:30 ng gabi sa Cuneta Astrodome.
Muling kakapitan ng Aces ang kanilang import na si Mike Harris sa Game 4 ng kanilang best-of-five semifinals upang sikwatin ang pangatlong panalo.
Sinalpak ni Harris ang three-point play may 16.1 segundo na lang sa orasan para ikahon ang 104-102 panalo laban sa Bolts sa Game 3 noong Huwebes.
Tumikada si Harris 31 points, 24 rebounds at pitong assists, kailangan duplikahin nito ang magandang performance upang umentra na sa susunod na phase.
“Alam n’yo ‘yung expression na your heart is in your throat?” masayang sabi ni Alaska coach Alex Compton. “They are tipping the ball around, tipping the ball around at even Anjo Caram’s last shot. That was a huge game.”
Bakbakan ang dalawang koponan dahil 10 nagpalitan ng lamang at 11 beses nagtabla ang iskor.
Bukod kay Harris, kakapitan ni Compton sina locals, Vic Manuel, Chris Banchero, Simon Enciso at Jayvee Casio.
Inaasahang daraan sa butas ng karayom ang Aces bago makuha ang panalo dahil sanay na rin sa ganitong labanan ang Bolts. (ATD)





Comments