Malinaw ayon sa palad... BEBOT NA NAKATAKDANG MAKABALIK SA ABROAD AT MAGKAROON NG MAGANDANG BUHAY


KATANUNGAN
May negosyo kami ngayon na internet café, nu’ng una ay malakas at kumikita ito, pero dahil dumami ang kalaban namin ay unti-unti na itong humina hanggang sa nalubog na kami sa pagkakautang dahil sa mga binabayaran naming bills lalo na sa kuryente.
Iniisip ko ngayon, kung sakaling hindi na kami makare-recover sa negosyo namin ay mag-a-abroad na lang ulit ako. Dati kasi akong nag-Japan at may mga opportunity pa upang makabalik ako roon dahil maraming tutulong sa akin na mga kakilala at kaibigan ko.
Ano ang dapat kong gawin, Maestro, isara ko na ba ang aming negosyo at mag-abroad na lang akong muli?
KASAGUTAN
Kung pagkain ang iyong produkto o kaya ay mga bagay o kalakal na pamasko, maaaring lumakas ang inyong negosyo pag-dating ng Pasko, pero dahil internet café ang inyong negosyo na ang karaniwang kliyente ay mga estudyante, kaya kahit na dumating pa ang Pasko at Bagong Taon, baka hindi rin gaanong lumakas o maka-recover pa ang nalulugi ninyong negosyo.
Kaya ang pinakamabuti ninyong dapat na gawin ay huwag n’yo nang hintayin pa ang Pasko kung hindi sapat ang inyong kinikita at nababaon lang kayo sa mga pinagkakautangan ninyo, isara n’yo na nang tuluyan ang inyong negosyo kung saan ito ang nais sabihin ng Guhit ng Negosyo (Drawing A. at B. N-N arrow a.) na agad na nahulog sa pagitan ng daliring palasingsingan at hinlalato (arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Ibig sabihin, kung mag-i-stay ka sa kasalukuyan mong negosyo na hindi kumikita, darating ang takdang panahon na tuluyan ka nang malulugi hanggang sa lalo ka pang malubog sa pagkakautang.
Ang pag-aanalisang higit kang papalarin sa pag-a-abroad kaysa sa pagnenegosyo ay madali namang kinumpirma ng malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, tama ang iniisip at pinaplano mo ngayon, ang isara na ang internet café ninyo at pagkatapos ay muli ka nang bumalik sa Japan upang magtrabaho. Ang napakagandang Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad ay nagsasabing sa muling pamamasukan mo sa ibayong-dagat, mas madali kang uunlad, makaiipong muli ng maraming pera hanggang sa tuluyan nang umunlad at sumagana ang inyong kabuhayan.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Mhelay, tulad ng nasabi na sa itaas, bago ka tuluyang malugi at lalo pang malubog sa iyong mga pagkakautang, isarado mo na ngayon ang negosyo mong internet café at pagkatapos ay simulan mo na ang mabilisang pag-a-apply sa abroad. Kapag nagawa mo ‘yan, makikita mo, sa susunod na taong 2019, pinakamatagal na sa buwan ng Agosto, itatala ang ikalawang mas mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa sa iyong kapalaran.




Comments