- BULGAR
AKHUETIE NG UP MAROONS, ITINANGHAL NA UAAP-PC-POW

ISANG dominanteng puwersa noong naglalaro pa siya sa University of Perpetual Help sa NCAA, inasahan ng pangungunahan ng Nigerian slotman na si Bright Akhuetie ang University of the Philippines tungo sa inaasam na tagumpay sa pagpasok niya ngayong UAAP Season 81.
Ngunit sa ngayon at hindi pa rin naaabot ng Fighting Maroons ang hangad nilang tapusin ang 21-taong Final 4 drought.
Gayunman, nananatiling nasa kontensiyon pa rin ang koponan para umusad sa susunod na round.
Noon ngang nakaraang Sabado, inilapit ni Akhuetie ang UP sa kanilang target na makatuntong ng Final 4 round.
Umiskor ang 6-foot-8 slotman ng double-double 25-puntos at 18-rebounds upang pamunuan ang UP sa 83-69 paggapi sa UST na ganap na ding nagpatalsik sa huli sa kontensiyon sa pinag-aagawang Final 4 spot.
Bunga ng kanyang outstanding performance, nakamit ni Akhuetie ang Chooks-to-Go Collegiate Sports Press Corps UAAP Player of the Week award.
Nangingibabaw din sa labanan para sa Season MVP, sa loob ng 13 laro ay nakapagtala siya ng average na 19.1 puntos, 14.2 rebounds, 3.0 assists, 1.2 steals at 1.0 blocks bukod pa sa impresibong 60.7 percent shooting.
Naungusan niya para sa lingguhang citation sina FEU standouts Arvin Tolentino at Kenneth Tuffin, NU center John Lloyd Clemente, Ateneo ace Thirdy Ravena at Adamson captain Sean Manganti. (VA)