- BULGAR
Mabuti na lang at may mabubuting doktor na lubos na tumutulong para lamang makamit ang hustisya... P

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA

NOBENTA Y NUWEBE (99) na ang natapos na forensic examination ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team sa mga bata, pulis, doktor at ilang matatanda na namatay sa side-effects ng bakuna na tumutugma sa deklarasyon ng Sanofi sa Department of Health-Food and Drugs Administration (DOH-FDA) noong ika-22 ng Disyembre, 2015.

“Totoong nagpaparamdam ang mga biktima. Napanaginipan ko sila na nagtatakbuhan at naglalaro sa bahay namin. May lider sila, kahawig ng biktimang si SPO2 Vicente Arugay,” ang sinabi ni Ate Annie Gabito ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).
Tila nakahanap ang mga batang nasawi ng sasandigan sa kabilang buhay, sa katauhan ni SPO2 Arugay. Kaya kahit mapait ang kanilang mga pinagdaanan, hindi pa rin nawawala sa kanila ang tuwa.
Tila ipinaaabot nila sa kanilang mga naulila, na sa dulo ng kalbaryong ito ay mananaig pa rin ang pinakaaasam na tagumpay ng katotohanan at katarungan. Ang panaginip ni Ate Annie ay magsilbi nawang panghaplos ng lungkot sa mga naiwan ng mga biktima ng nakapipinsalang bakuna.
Ang ganitong mga klase ng inspirasyon ang solusyon upang mapalitan ng sigla ang mga naiwang puwang ng hapdi at lumbay ng mga sumakabilangbuhay.
Balikan natin ang nakaraan, noong ika-6 ng Oktubre, 2005, nagpaaral at nagpasaliksik ang Department of Health (DOH) sa ilalim ng pangangasiwa ni Secretary Francisco Duque tungkol sa sakit na dengue (Department Personnel Order [DPO] 2005-2006).
Kasama sa pagsasaliksik sina Dr. Lyndon See Uy at Dra. Maria Rosario Capeding. Noong ika- 22 ng Pebrero, 2007, ipinadala sa Thailand ni Sec. Duque (DPO-2007-0896) si Dra. Maria Theresa Alera tungkol sa Pediatric Dengue Vaccine Initiative. Samantala, noong ika-15 ng Nobyembre 2007, ipinadala si Dra. Grace Medina upang dumalo sa Forum sa Regulatory Forum on Clinical Evaluation of Dengue Vaccines(DPO-3397) habang noong ika-18 ng Setyembre 2009 ay dumalong muli si Dra. Grace Medina sa Thailand sa bisa ng DPO 3862 tungkol sa Workshop on Regulatory Pathways for Dengue Vaccines.
Matapos manguna sa DOH ay lumipat sa Civil Service Commision bilang chairperson nito si Secretary Duque. Nang matapos din ang termino niya sa CSC ay naging consultant (DPO 2015-1977) at chairperson siya ng search committee ni dating Secretary of Health Janette Garin na naganap noong ika-4 ng Mayo, 2015. Kinabukasan, itinalaga ni Secretary Garin ang sarili niya bilang hepe ng FDA.
Pagkalipas ng limang (5) buwan, sumulat ang Sanofi upang payagan na mapasama ang dengue vaccine sa Philipine National Formulary ng DOH.
Ika-22 ng Disyembre 2015, nagsumite sa FDA ang Sanofi ng declaration for authorization ng dengue vaccine at inamin nila na may apat (4) na panganib at side-effects na maaaring ikamatay ng mga mababakunahan nito tulad ng: anaphylactic/allergic reaction, viscerotropism, neurotropism at increase in severity of dengue diseases.
Nagkaroon ng DBM-SARO noong ika-29 ng Disyembre 2015, (7 araw makalipas ang nasabing submission for authorization), ito ay may halagang 3.5 bilyon kasama ng pondo na humigit sa10 bilyon para sa barangay health stations.
Bagaman, mapanganib ay sang-ayon pa rin sa clinical trial ang Sanofi na ipinamahala kay Dra. Maria Rosario Capeding ng DOHRITM (https://www.thelancet. com/journals/lancet/article/PIIS0140-673 (14) 61060-6/fulltext; Lancet. com, June 2014), itinuloy ang pagbili sa napakalaking halaga para sa halos isang milyong Pilipinong bata, pulis at health workers, maging ang mga kaanak nila at 62% ang serious adverse events, ayon sa clinical study. May mga babala na pati ang mga Pilipino expert, subalit, nagmadali pa rin sila bago maganap ang halalan noong Mayo 2016.
Alam pala nila ang panganib sa buhay at kalusugan ng mga babakunahan nito, pero bakit itinuloy pa rin nila? Pati tuloy ang mga walang kamalay-malay ay nalugmok sa banig ng karamdaman at bingit ng kamatayan.
Ang naglalakad nang matulin, kung matinik ay malalim, anang salawikain. Kung ang naglakad nang paspas at walang pakundangan sa kanyang dinaraanan ang napinsala, ‘yun ay bunga ng sarili niyang kagagawan.
Ngunit, kung ang ganitong sitwasyon ay nakapinsala sa mga inosente dahil sa kapabayaan at hindi pagsasaalang-alang sa buhay na mahalaga sa lahat — tila nagsilbi pa silang mga alay sa altar ng sakripisyo at halos wala nang katapusan ang torture (sakit ng ulo at katawan ng mga biktima) na may kasamang hinagpis at paghihimagsik ng kalooban ng mga naiwanang pamilya.
Kaya nararapat lamang na ang magsilbing katapusan ng lahat ng ito ay katarungan.
(Itutuloy)