- Alvin Olivar
FAJARDO, KARIBAL SI PRINGLE SA MVP RACE

INAASAHANG makakatunggali ni June Mar Fajardo ng San Miguel si Stanley Pringle ng NorthPort para sa Most Valuable Player ng 2017-2018 season ng PBA.
Nanguna si Pringle sa statistical race sa pagtatapos ng Governor’s Cup eliminations pagkaraang magtala ng average na 35.5 points, habang bumaba sa pangalawa si Fajardo sa pagkuha ng 33.2 matapos maglaro lang ng dalawang beses sa eliminations. Bukod sa statistics ay magkakaroon din ng botohan sa mga players, media, at PBA office bago pangalanan ang MVP ng taon. Inaasam ni Fajardo na makuha ang panlimang sunod na MVP award.
Pumangatlo sa MVP race sa statistics si Japeth Aguilar ng Barangay Ginebra matapos magtala ng 32.9 points, habang sumunod si Sean Anthony ng NorthPort na may 31.3 points. Panlima sa listahan si Scottie Thompson ng Barangay Ginebra na may 30.8 points.
Sumunod sina Matthew Wright ng Phoenix na may 30.6, Alex Cabagnot ng San Miguel na may 30.2, Arwind Santos ng San Miguel na may 30.0, Marcio Lassiter ng San Miguel na may 29.9, Vic Manuel ng Alaska na may 29.0, Poy Erram ng Blackwater na may 28.4, Jayson Castro ng TNT na may 28.2, at Paul Lee ng Magnolia na may 27.5.
Dahil nasa 5th si Thompson ay nangunguna rin siyang kandidato para sa Most Improved Player award.