- BULGAR
BABANTO NG DLSU, CHAMP SA UAAP POOMSAE TOURNEY

NANGUNA si Rinna Babanto para sa De La Salle University sa pag-angkin ng kanilang ikalawang titulo sa loob ng tatlong taon noong Martes ng gabi sa UAAP Season 81 poomsae tournament sa Blue Eagle Gym.
Nagtapos ang collegiate career ni Babanto sa pamamagitan ng pag-angkin nya ng gold sa individual female at mixed pair events, na naging susi sa pagbabalik ng korona sa Taft.
Nagtala ang dating world champion na si Babanto ng 8.180 upang magapi ang kapwa Asian Games bronze medalists na si Nikki Oliva ng University of the Philippines (8.100) at Juvenile Faye Crisostomo ng Far Eastern University (7.900).
Kasunod nito ay nakipagsanib-puwersa si Babanto kay Patrick Perez upang angkinin ang mixed pair gold sa iskor na 8.235 kung saan tinalo niya sina University of Santo Tomas tandem nina Jerel Dalida at Cyrinne Abenir (8.200) at UP pair nina Jayboy Buenavista at Pat Jubelag (8.015).
Nakumpleto ng De La Salle ang gold medal sweep ng individual events sa pamamagitan ni Perez na namayani sa men’s category pagkaraang magtala ng 8.305. Sumegunda sa kanya si Adrian Ang ng UST na nagtala ng 8.150 at pumangatlo si Kier Macalino ng National University (8.035). Si Babanto ang itinanghal na unang poomsae MVP, habang si Perez ang nagwaging Rookie of the Year.
Ang last season champion na Growling Tigers na nagwagi sa team male event ay pumangalawa sa nakopong 1 gold at 3 silver habang ang Fighting Maroons na namayani sa team female category ang pumangatlo sa napanalunang tig-isang gold at silver at 2 bronze. (VA)