MELECIO NG GREEN ARCHERS, TINUSTA ANG GROWLING TIGERS


MATAPOS yakapin ang dating coach na si Aldin Ayo bago magsimula ang laro, pinangunahan ni Aljun Melecio ang De La Salle sa pagdurog sa bagong koponan ng dating coach na University of Santo Tomas, 110-69 kahapon sa UAAP Season 81 Men’s Basketball Tournament sa Ynares Sports Center sa Antipolo.
First half pa lamang ay nagposte na si Melecio ng 16 puntos para sa nasabing ikalawang panalo nila ngayong season kontra Tigers. Sinimulan ng Green Archers ang second half sa pamamagitan ng 20-0 blast na nagresulta upang umagwat sila ng 44 puntos, 84-40.
Mula roon, nag-takeover na sina Justine Baltazar, Mark Dyke at Jollo Go at lalo pang ibinaon ang Tigers sa iskor na 90-42 sa bungad ng 4th canto.
Naiposte ng La Salle ang pinakamataas na output ng isang team ngayong season na lumagpas sa naunang 99 puntos na sila rin ang nagtala nang talunin din nila ang UST noong first round.Ang 41-puntos na kalamangan ang biggest winning margin ngayong season na nauna nang bumura sa 85-53, panalo ng Ateneo Blue Eagles sa UST din noong first round.
Dahil sa panalo, umangat ang La Salle sa markang 7-4 , panalo-talo, dalawang laro ang lamang sa kanilang biktima na sumalo sa UP Fighting Maroons at FEU Tamaraws sa pang-apat na puwesto taglay ang markang 5-6, panalo-talo. (VA)





Comments