Search
  • BULGAR

Hirap na raw, pinipilit pa ng singer... VICE, IBINULGAR ANG NAPANSIN KAY RICO J. BAGO NAMATAY

Ador Saluta / ADORE ME!

SA episode ng It’s Showtime nu’ng Nov. 2, ina­lala ng mga hosts at hurado ng Tawag ng Tanghalan ang magagandang alaala nila sa namayapang legendary singer na si Rico J. Puno na pumanaw sa edad na 65 nu’ng Oct. 30 nang madaling- araw sa St. Luke’s Hospital sanhi ng cardiac arrest.

Si Rico o Corics o Yangku sa malalapit na kaibigan nito ay tinagurian sa local music scene na “The Total Performer” dahil sa kanyang kakaibang galing sa pagpe-perform.

Naging regular na hurado siya sa Tawag ng Tanghalan ng It’s Showtime simula nu’ng Season 1 last year 2016.

Pinangunahan ni Vice Ganda ang pagbibigay ng tribute sa music icon.

Aniya, “Sino nga ba si Sir Rico J. Puno para sa atin dito sa Show­time bilang isang kaibigan, kabi­ruan, hurado?

“Magsimula na ako. Ako kasi, mas pinipili kong ipagdiwang ‘yung mga magagandang naalala ko talaga sa kanya. Kaya habang iniisip ko siya, hanggang ngayon, naka-smile ako.

“Kasi, ‘di ba nga, lagi niyang binabanggit kapag ipinakilala siya, ang lagi niyang sigaw, ‘Are you happy? Are you happy?’ Laging may kinalaman sa pagpapaligaya.”

Dagdag pa ni Vice, pareho nilang tinatawag na “my favorite” ang isa’t isa.

Saad niya, “Very vocal kaming dalawa ni Rico J. Puno. Tuwing ipinapakilala ko siya, lagi kong sinasabi na ‘My favorite’ kasi ‘yun din ang sinasabi niya sa akin backstage.

“Kapag nagkikita kami kahit saan, ‘O, ito ang pabo­rito ko, si Vice Ganda, ganyan-ganyan.’ Ako raw ang paborito niya at siya ang paborito ko.

“Kasi ako raw ang baklang Rico J. Puno, at siya raw ‘yung lalaking Vice Ganda. Pareho raw kasi kaming bastos.”

Napuno ng tawanan ang studio dahil sa sinabing ‘yun ni Vice.

Dugtong pa ng TV host-comedian, “Sabi niya, ‘Ako ‘yung ginagaya ni Vice Ganda kasi pareho kaming bastos.’ Sabi niya, ‘‘Yung ginagawa ni Vice Ganda ngayon, binakla lamang niya ‘yung ginawa ko.’

“At lagi kaming nagyayakapan at nag-a-‘I love you’ sa isa’t isa. Magaan.”

Kahit hindi na raw ganu’n kasigla minsan si Rico, pinipilit nitong magpasaya pa rin ng mga tao.

Kuwento ni Vice, “At tuwing nandirito si Sir Rico, napapansin namin, may mga pagkakataong mahina siya, mahina na, hindi na kasinglakas nu’ng dati, na hindi na kasingsigla.

“Pero ru’n mo siya hahangaan kasi kahit hindi na siya ‘yung nasa [maayos na] sistema ng panganga­­tawan niya at ‘yung sigla niya, hindi na katulad nu’ng dati, ganu’n pa rin ‘yung pinipilit niyang ibigay.

“‘Yung misyon niya ay iisa, ‘di ba? ‘Yung makapagpaligaya nu’ng tao at ma-serve ‘yung misyon niya.

Kaya ako, masayang-masaya ako dahil alam ko na natapos ni Rico J. Puno ‘yung misyon niya sa mundo. Makapagbigay ng mga magan­dang awitin, magandang musika na in-enjoy ng lahat nu’ng panahon niya at minamana natin ngayon.”

Sa huli, nais ni Vice na maging masaya si Rico sa kabilang mundo.

“Mahal na mahal kita, Rico J. Puno, i-enjoy mo ‘yan, ‘yung journey mo ngayon papunta ru’n sa pinakamasayang lugar. ‘Yung mas masaya pa si Disneyland, du’n sa langit, ‘yung malamig ang hangin, walang polusyon, masaya lang.

“Kahit araw-araw, magsisigaw ka ru’n ng ‘Are you happy?’ Lahat ng makikita mo ru’n, sasagot ng ‘Yes’ kasi lahat masaya ru’n.”

Nagbigay din ng kani-kanilang pag-alala sa nama­yapang singer-host-performer ang mga co-hurado ni Rico sa TNT sa It’s Showtime gaya nina Dulce, Mitoy Yonting, Nyoy Volante at Randy Santiago.

Nag-share rin ng kanilang alaala at karanasan kay Rico J. sina Jhong Hilario, Amy Perez, atbp..

Sa Huwebes (November 8), ihahatid na sa kanyang huling hantungan si Rico J. Puno.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.