- Eddie M. Paez Jr.
RACASA, CHAMP SA ANGELES CITY KIDDIES CHESS TOURNAMENT

UMAASANG madidiskubre ang mga susunod na bituin sa larangan ng ahedres sa pamamagitan ng mga kiddies tournaments na patuloy na ginaganap sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa Balibago, Angeles City, ipinakita ni Antonella Berthe Racasa kung bakit siya ang paboritong mangibabaw sa paligsahang tinaguriang 2018 Mayor’s Cup Kiddies Chess Tournament nang irehistro ng 11-anyos ang walang pagkatalong anim at kalahating puntos mula sa pitong rounds.
Nakuntento naman ang 12-anyos na si Franchesca Largo, 5th seed at may rating na 1833, sa pangalawang puwesto dahil sa rekord nitong anim na panalo at isang talo habang kay April Joy Claros, 11-taong-gulang at 2nd seed, napunta ang huling baytang ng winners’ circle (6.0 puntos). Samantala, nasaksihan sa Pantukan, Compostela Valley ang pagdomina ng 14-anyos na si Clyde Harris Saraos sa PCCC Anniversary Chess Kiddies.
Humataw ang 2nd seed na chesser ng limang magkakasunod na panalo bago nakipaghatian ng puntos sa huling yugto para makaipon ng 5.5 puntos at matagumpay na maiuwi ang kampeonato. Ang rating ni Saraos ay 1978 lang pero ang kanyang naging performance rating sa pagsasara ng kompetisyon ay mataas na 2195.
Pumasok naman si James Catayas, 10-anyos at ranked 7th, sa podium bilang bridesmaid (5.0 puntos) habang pumangatlo si Aliyah Rae Lumangtad, 12-anyos at pang-apat sa seedings (5.0 puntos).