- BULGAR
Pahiwatig na maging positibo sa buhay
Socrates Magnus
Salaminin natin ang panaginip ni Icee ng Icee_ Bongalos@facebook.com
Dear Professor,
Ano ang ibig sabihin ng nanaginip ng ice cream, palay at dumi ng bata, gayundin, ang nagbibilang ako ng maraming pera?
Naghihintay,
Icee
Sa iyo Icee,
Marami ang nag-aakalang walang kabuluhan ang mga panaginip, pero ngayon ay mapatutunayan mo na ang mga panaginip pala ay may malaking epekto sa buhay ng tao.
Una, ang mga nananaginip ng ice cream ay siguradong masaya at ang mga ngiti nila ay kasintamis at kasinsarap ng ice cream kaya sa buong maghapon makikitang sila ay pinaghaharian ng positibong pananaw.
Alam mo, iha, ang isang qoute na sikat hanggang ngayon na “ think positive”, ang dapat mong isabuhay dahil kapag naging positibo ang lahat, magiging positibo rin ang iyong kapalaran. Habang, ang palay na napanaginipan mo ay nagsasabing paparating sa iyo ang kasaganahan ng buhay.
Ang dumi ng baby ay gayundin, maganda rin ang kahulugan na ang ibig sabihin ay may mga bagong oportunidad na magdaratingan sa iyong buhay.
Samantala, ang nagbibilang ka ng pera? Palagay ko alam mo na kung positibo o hindi ang ganitong panaginip.
Mapalad ang taong ang mga panaginip ay positibo at nagbibigay-saya at sigla. Hindi naman mahirap paniwalaan ang mga ganito dahil posible naman itong mangyari sa buhay ng tao. Kaya ang ipinaaalala ng iyong panaginip ay huwag kang maging negatibo nang sa gayun ay hindi ka malasin. Pero, ang tulad mong nananaginip ng mga positibong bagay, kahit sobrang hirap na ng pinagdaraanan sa buhay, tiyak na gagaan ang iyong pakiramdam at masaya mong haharapin ang kinabukasan. Mapalad ka! Bakit? Dahil muli, ang mga napanaginipan mo ay mga positibo ang kahulugan.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo