MENDOZA, CHAMP, NANLASPAG NG MGA BETERANO SA GO-FOR-GOLD CYCLING


UMABOT sa halos 10,000 mga siklista ang lumahok sa idinaos na Go –for- Gold Larga Pilipinas EDSA-C-5 Blitz Races kahapon. May 3,000 mga riders ang naglaban-laban sa labing-isang kategorya ng karera habang mahigit 6,000 naman ang sumali sa Fun Ride. Ito ang unang pagkakataon na isang karera ang ginanap sa dalawa sa pinaka-abalang highways ng bansa. “This is not your ordinary race. This is classic. One for the book and one event that might not happen again,” pahayag ni Larga Pilipinas technical consultant Atty Froi Dayco patungkol sa ruta ng Larga Pilipinas- ang 24.8 kilometrong kalsada na nag-uugnay sa EDSA at C-5 via White Plains Drive sa Quezon City at JP Rizal Street sa Makati.
Nagwagi si Aidan James Mendoza sa Professional/Elite category, kung saan kasama niyang nag-breakaway ng maaga ang multi-champion na si Mark John Lexer Galedo at Jerry Aquino, Jr. “Yan po kasing ganyan kaikli na karera, talagang buhos na agad ‘yan. ‘Di ka na dapat magpahinga riyan kasi kaunting pagkakamali mo sa ganyan kaikli na race, maiiwan ka,” ani Mendoza na tinapos ang karera sa tiyempong 23.18 segundo. “Saka nu’ng nakita ko na beterano at mga laspag sa iba’t ibang karera yung kalaban ko, siniguro ko nang hindi ako mawawala sa harap,” dagdag nito.
Sa iba pang kategorya, nagwagi naman si Fred Chua sa Corporate Executives, kasunod sina Randall Hortaleza at Lance Asprec. Inangkin naman ng dating Tour Champion na si Albert Primero ang titulo sa Masters category habang namayani si second generation rider Manuel Reynante sa Managers class at si Athena Marana sa Women’s race. Muli namang nagkampeon si Jarwyn Banatao sa Triathletes/Duathletes race. Ang iba pang mga nanalong riders ay sina Lorenzo Rellosa (Amateurs), John Carlo Garol (Under-21) at John Carl Reynante (Fixed Gear). Ang nasabing cycling event ay magkatulong na itinaguyod ng PCSO Scratch It, MMDA at ng PhilCycling. (VA)





Comments