Search
  • A. Servinio

ST. CLARE NG CALOOCAN, DOUBLE CHAMP SA JRS. AT SRS. NG NAASCU


INIUWI ng Saint Clare College of Caloocan ang dobleng kampeonato sa Seniors at Juniors Division sa pagtatapos ng 18th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Biyer­nes sa Cuneta Astrodome sa Pasay City. Tinalo ng Saints ang En­derun Colleges, 81-77, habang tagumpay ang Junior Saints sa Our Lady of Fatima University, 82-77, upang wakasan agad ang best-of-three sa dalawang laro.

Hindi tulad sa unang laro, pumalag ang Enderun at lumamang agad matapos ang magkasunod na tres nina Valandre Chauca at Mark Joseph Nunez. Ngunit saglit lang ito at nagtrabaho na sina Junjie Hallare, Irven Palencia at Mohamed Pare upang maa­gaw ang lamang para sa Saint Clare papasok ng 3rd quarter, 41-32.

Dahil maagang napilay si Joshua Fontanilla, napilitang ilaro ni Palencia ang momento at itarak ang pinakamalaking lamang ng Saints sa 3rd quarter, 48-33. Nagawa ng Titans na dumikit sa anim pagkatapos ng dalawang free throw ni Chauca na may 1:14 nalalabi sa orasan, 75-81, pero lalong hinig­pitan ng Saints ang depensa para makamit ang tagumpay at ang ikatlong sunod na kampeonato buhat pa noong 2016 na ika-apat sa kasaysayan ng paaralan.

Nagtapos si Palencia sa 23 puntos, 7 rebound, 7assist sa loob ng 27 minuto. Sumunod si Hallare na may 18 puntos habang humakot ng 25 rebound si Pare at 12 puntos.

Sa panig ng Juniors o mga may edad 19 pababa, nagsabog si Stephen Catacutan ng 19 puntos at 9 rebound, kasama ang dalawang free throw na may 10 segundo sa orasan upang matiyak ang kampeonato. Tinulungan siya ni Cedrick Mwamba sa 17 puntos at 16 rebound habang nagdagdag ng 13 puntos at 3 assist si Richard Victoriano.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.