Ilang iyak, pagmamakaawa at hinagpis na ang ating natunghayan... MGA BATANG BIKTIMA NG BAKUNA, MAKAM
- BULGAR

- Oct 26, 2018
- 3 min read

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA


ANG kasaysayan ng panaginip ni Jose Vendido ang naging daan upang mailigtas sa matinding gutom ang mga Israelita sa panahon ni Jacob. “Pitong tangkay ng trigo na matataba at pitong mapapayat” na ang kahulugan ay pitong taong sagana at pitong taong taggutom, ayon sa Banal na Kasulatan. Nakapaghanda ang buong Ehipto para sa paparating na taggutom. Nailigtas din sa matinding gutom ang mga Israelita kung saan gayundin ang magagawa nito para sa mga biktima ng bakuna, sila ay maliligtas.
Si Merlyn, ang nanay ni Jansyn Art F. Bataan, Dengvaxia victim no. 24 ay nanaginip na nasa isang lugar kasama ang bunso niyang anak. Pumasok daw sila sa malaking kuweba at pagdating sa loob ay may nakita silang mahabang daanan at sa gilid nito ay may maliliit na bermuda. Matahimik ang kuweba na tinahak nila at kasama niya ang namatay na si Jansyn.
Nang dumating sila sa daan na papaakyat ay may tila mala-gintong liwanag silang natanaw. Maraming tao ang nakapaligid sa itaas sa pagitan ng langit. Lahat sila ay nakatalikod habang papalapit sa mag-ina. Ang naturang liwanag na mala-ginto ay tumapat sa kanila at nakita nila ang imahen ni Jesus Christ at ‘yung mga taong nakatalikod ay humarap sa kanila dahil sinundan nila ang liwanag.
Ang mga tao ay waring saksi sa sasabihin ng Panginoong HesuKristo na tinuran ito: “Siya ang mapalad na pinayagan na makabalik sa pamilya niya, pinagpala ang bata na ‘yan dahil siya lang ang bukod-tanging pinayagan na mabuhay muli.”
Ano nga kaya ang kahulugan ng panaginip na ‘yun? Si Darwin, na ama ni Jansyn ay lubhang sumaya dahil nagkatotoo ang panaginip. Nagdadalantao na muli si Merlyn. “Ito ang blessing na palagi kong ipinagdarasal araw-araw sa Panginoon. Naniniwala ako na ang katawang tao lang ang nawawala, pero ang espiritu ay nananatiling buhay tulad ng aming anak na si Jansyn. Dahil sa paniniwalang ito, hiniling ko sa Panginoon na kung maaari sana ay nais kong hiramin ulit si Jansyn sa Kanya. Kaybuti ng ating Diyos dahil hindi Niya ako binigo! Ipinapanalangin ko rin sa kanya ang lahat ng mga biktima na ipahiram Niya ulit kung maaari pa sa kani-kanyang pamilya. Alam ko na may layunin ang Panginoon kung bakit Niya tayo binigyan ng pagsubok na ganito. Kaya lumaban lang po tayo para sa hustisya ng mga namatay na biktima at mga nasa ospital pa,” ani Darwin.
Ang muling “pagpapahiram” ng Panginoon sa namayapang biktima sa kanyang pamilya ay maaaring may iba’t ibang mukha at kaparaanan. Hindi lahat ng mga naulilang ina, tulad ni Gng. Merlyn ay muling magdadalantao at magsisilang ng maliit na Jansyn.
Gayunman, maaari nilang makatagpong muli ang espiritu ng nasawi nilang mga anak sa katauhan ng isang magiliw na pamangkin, mapagmalasakit na taong gobyerno o isang estranghero na magaan ang dating at may diwang malambing.
Totoong wala nang makapapalit pa sa nagpaalam nang anak na minumutya, ngunit, ang diwa at espiritung patuloy na nabubuhay ay gagawa at gagawa ng paraan upang maibsan kahit sandali ang lumbay ng naiwang mahal sa buhay.
May iba’t ibang mga pangarap, panaginip at hiling ang mga magulang na ang anak ay binakunahan ng Dengvaxia na “clinical trial” at namatay sa “side-effects” na inamin ng gumawa ng bakunang ito noong ika-22 ng Disyembre, 2015 sa Bureau of Food and Drugs (BFAD) sa Submission for Authorization.
Ngunit, ang lahat ay sumisigaw ng katarungan kasabay ng mga daing sa tindi ng dinaramdam ng kanilang mga anak bago mamatay hanggang sa hukay na mapanglaw. “Attorney, matindi ang trauma at torture na naranasan ng anak namin at maging kaming mga magulang,” ang laging binabanggit ng mga naulila.
Kahit marami na ang sabay-sabay na namatay mula noong April 2016, nobenta sais (96) na ang natapos na autopsies ng PAO Forensic Team sa mga katawang dumanas ng paghihirap at pighati na mga biktimang nangarap ng magandang bukas.
(Itutuloy)





Comments