- BULGAR
Sa bawat panaghoy, yabag at iyak na ating naririnig... MGA BATANG BINAWIAN NG BUHAY DAHIL SA PALPAK

PAO CHIEF PERSIDA ACOSTA / DAING MULA SA HUKAY HUSTISYA


NOBENTA SAIS (96) na ang natapos ng Public Attorney’s Office (PAO) Forensic Team na autopsies ng mga bangkay na binakunahan ng kontra dengue na Dengvaxia.
Pagkatapos bakunahan, ang bawat pagdaing nila ng dahil sa matinding sakit ng ulo, tiyan at katawan, pagkatapos humina ang ‘immune system’ ng dating masigla at malusog na bata, sa bawat pananangis ng mga biktima na sumisigaw ng: “Hindi ko na kaya… Aray! mama, masakit…, nanghihina po ako at nanlalabo po ang aking mga mata — hanggang sa malagutan na ng hininga.
Sino ang walang pusong magsasabi na nagdadrama lang sila, gayundin ang mga magulang na parang kinukurot ang puso sa bawat panaghoy ng kanilang mga anak na mahal? Namatay nang walang kalaban-laban. “Mga biktima sila ng krimen!”, sigaw ng mga magulang at kaanak ng mga namatay.
“Hindi nila sinabi na may “side-effects” pala ito. Ang sabi nila, ligtas na sa dengue, pero bakit na-dengue? Bakit dumugo ang utak at internal organs? Sabi nila, mabuti sa hindi pa nade-dengue, ‘yun pala ay masama. Niloko kami! Anak, patawad, hindi ka pala dapat binakunahan,” ang panaghoy ng butihing-ina ng pang-96 na dumaan sa PAO forensic autopsy.
Kailan kaya mamumutawi ang salitang ito sa mga labi ng mga totoong may kasalanan sa likod ng nakamamatay na bakuna? May pag-asa pa kaya itong marinig mula sa kanila? Sa ngayon, kung pagbabasehan ang mga sinasabi at inaasal nila, ang salitang “patawad” ay tila ginto na napakamahal.
Noong Miyerkules, ika-17 ng Oktubre, 2018, lumabas ang Denial-Order ng Department of Justice (DOJ)-National Prosecution Service (NPS) sa Motion to Admit Affidavit ni Dr. Raymundo Lo, na testigo diumano ni Dra. Janette L. Garin. Ang sabi sa Denial-Order ay sa hukuman dapat iprisinta ng mga expert at hukuman ang hahatol sa isyu kung sino ang kapani-paniwala at eksperto.
Noong Martes naman, ika-16 ng Oktubre, 2018 ay lumabas din ang DOJ-NPS Resolution na nagpabasura sa kasong libelo laban kina ex-DOH Secretary Dra. Paulyn Ubial, Dr. Anthony Leachon, Dr. Francisco S. Cruz at Dr. Ted Herbosa. May “sense of justice” ang mga public statement ng mga nasabing manggagamot para sa kapakanan ng mga binakunahan, ayon sa nasabing DOJ-NPS Resolution.
Ang mga nabanggit na Denial-Order at Resolution mula sa DOJ-NPS ay nagmistulang pinakahihintay na mga patak ng ulan sa tag-araw. Nawa ay patuloy naming matamasa ang biyayang ito — katamtamang buhos ng ulan na banayad sa pakiramdam, sapat lang na makapagpapataba ng lupa at hindi maghahatid ng sobrang tubig na magdudulot ng pagbaha. Sa kabuuan, ang sitwasyong ito ay tila nagpapahiwatig ng masaganang ani ng katarungan sa dulo ng laban.
Madaling-araw kahapon, bigla akong nagising at napabangon. May parang gumising sa aking mahimbing na pagkakatulog. May message pala sa cellphone ko na galing kay Ate Annie Gabito ng Volunteer’s Against Crime and Corruption (VACC), sinabi niya na may namatay na binakunahan sa lalawigan ng Quezon.
Pagbukas ko ng bintana ay may malakas na hangin akong naramdaman. Habang ako ay nagmumuni-muni, naisip ko na maraming kaluluwang sumusundo sa akin upang magkaroon ng panibagong lakas at matulungan ng PAO ang mga kaanak ng mga biktima na sumisigaw ng hustisya mula sa hukay.
(Itutuloy)