Search
  • Eddie M. Paez, Jr.

BIGATING ARMY KONTRA AIR FORCE, SA AFP-PNP-PCG OLYMPIC CHESS


MULING haharapin ng topseed at tumatrang­kong Philippine Army ang 2nd ranked na Philippine Air Force sa pagpapatuloy ngayong Huwebes ng bakbakan sa chess boards ng AFP-PNP-PCG Olympics sa Camp Crame Gym ng Quezon City.

Sa duwelong ito sa pampitong yugto, tangka ng Army chessers na makuha ang pang-10 match points nito sa kompetisyon. Kasalukuyang malinis pa ang kartada ng Army matapos nitong wasakin sa nakaraan nitong mga engkwentro ang hamon ng Philippine Air Force (8.5 - 3.5), Philippine Navy (12.0 - 0.0), Philippine National Police (7.5 - 4.5) at Philippine Coast Guard (12.0 - 0.0) para makakolekta ng walang mantsang rekord na walong match points.

Kasama sa mga umaalagwa para sa Army sina PFC Antonio Chavez, Jr. (4.0 puntos), Lt. Col. Perpetuo Tan (3.5 puntos) at PVT. Ronald Dableo (3.5 puntos). Ma­lakas din ang suporta ng mga batikang wood­pushers na sina CPL Darwin Laylo at PVT. Joel Pimentel. Si Laylo ay isang Chess Grandmaster.

Nasa pangalawang puwesto ang PNP dahil sa na­ipon nitong anim na match points. Ginawang tuntungan ng mga kapulisan ang kanilang mga tagumpay laban sa Navy (12.0-0.0), Coast Guard (12.0-0.0) at Air Force (8.0-4.0).

Ang tanging batik na nakuha nito ay ang pagyuko nito sa kamay ng Army woodpushers.

Ang mga panalo kontra sa mga personalidad sa karagatan (Philippine Navy at Philippine Coast Guard) ang kina­sangkapan ng Air Force sa pagsukbit nito ng apat na match points patungo sa pag-upo sa pangat­long baytang.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.