Search
  • BULGAR

Todo-tanggol kay P-Du30 kahit mali… ROQUE SA MGA PINOY: MAMATAY KAYO SA BUWISIT!

Janice DS Navida / SHOWBIZ SPECIAL

NANIBAGO kami kay Vice Ganda nang mapa­nood namin ang interview niya kay Presidential Spokesperson Harry Roque sa Gandang Gabi Vice nu’ng Linggo.

Not the usual Vice Ganda na nagpa-punchline at idi­nadaan sa pagpapatawa ang question and answer ang napanood namin that time kundi isang seryoso at parang may ‘inis’ sa kausap ang kanyang paraan ng pagtatanong.

But in fairness, may substance ang mga tanong at nakakabilib naman na naibato niya ‘yun sa tagapagsalita ng pangulo, at mukha namang impromptu at hindi scripted ang mga naging sagot ni Sec. Roque.

Unang tanong ni Vice, “Nanini­wala ho ba kayo na may mga nasasabi siya (P-Digong) minsan na hindi appropriate?”

Sagot ni Sec. Roque, “Meron naman siyempre. Unang-una, ‘yung kissing. Akala ko, mamamatay ako nu’n.”

Ito ‘yung insidenteng may ni-lips-to-lips na OFW sa Korea si Pangulong Rodrigo Duterte.

Pag-amin ni Sec. Roque, hindi siya pabor sa ginawa ni P-Digong.

Aniya, “Naku, ang feeling ko du’n, dapat tumakbo ako ru’n at hilahin siya.”

Pero ikina-proud ni Sec. Roque na may taga-Hollywood daw na pinuri siya dahil sa sinabi niyang... “That’s his way of showing his love to all the OFWs worldwide,” bilang pagdepensa sa ginawa ni P-Digong.

Obyus na hindi bumenta kay Vice ang sagot ni Sec. Harry dahil parang kinokontra nga naman ng statement nito ang unang sinabing gustong hilahin ang pangulo, kaya sabi ng TV host, “If you felt that that’s his way of showing his love, how come you thought it was not appropriate?”

Parang gustong magpatawa ni Sec. Roque sa sagot niyang, “Eh, kasi, meron pang slow motion (sabay demo ng pag-lips-to-lips),” na binara ni Vice at sinabing, “So, magkahi­walay po ‘yung nararamdaman n’yo sa sinabi n’yo.”

Inulit ni Vice ang tanong kung bakit “inappropriate” para kay Sec. Roque ang ginawa ng pangulo.

Paliwanag ng spokesperson, “Eh, kasi lips-to-lips, puwede namang beso-beso na lang. Puwedeng beso-beso siguro, puwedeng yakap, pero lips-to-lips ‘yun na slow motion.”

Tanong tuloy uli ni Vice, “So, kung alam n’yo pong mali, bakit ipinagtanggol n’yo po nu’ng panahong ‘yun?”

Sagot ni Sec. Harry, “Eh, trabaho ko ‘yun. Trabaho ko talaga ‘yun.”

Asked uli ni Vice, “So, ginagawa n’yo ‘yun dahil trabaho, hindi dahil sa pina­niniwalaan n’yo talagang tama?”

Sagot uli ni Roque, “Naniniwala ako na kinakailangang pagsilbihan ang ta­um­bayan sa pamamagitan ng pagsisilbi sa presidente at kinakailangan naman na depensahan siya kung wala naman talaga siyang ginawang masama.”

Hala! Ano ba talaga, Sec. Roque?

Muli ring binara ni Vice ang presidential spokesperson dahil sa sinabi nitong “Mamatay sila sa buwisit lahat!” patungkol sa mga Pilipinong buwisit na buwisit sa kanya sa pagtatanggol sa mga ginagawa ni P-Digong kahit mali na sa paningin ng iba.

Tanong ni Vice, bakit daw gusto ni Sec. Roque na mamatay ang mga Pinoy na nabubuwisit sa kanya kesa ipagdasal ang mga ito?

Sagot uli ni Sec. Roque, “Hindi na ako nagpapaapekto talaga sa kanila. Ang iniisip ko, when I say ‘Mamatay kayo sa buwisit,’ ‘yung parang I don’t care. Sige, mabuwisit kayo nang mabuwisit, sino bang naha-high blood pressure ‘pag nabubuwisit kayo, hindi naman ako, ‘di ba?”

Bagama’t diretso ring sinabi ni Sec. Roque na hindi perpektong pangulo si P-Digong, naniniwala raw siyang wala itong ginagawang mali.

“He’s not (perfect) but I think he’s the best president that we can have under this condition,” dagdag pa ng presidential spokesperson.

In fairness kay Vice, naitawid niya nang maayos ang naturang interview at bilib nga kami sa kanya dahil kahit ‘komedyante lang’ siya sa paningin ng marami, naipakita niyang may utak siya para mapiga ang isang abogadong tulad ni Sec. Harry Roque.

Pero siyempre, as expected, hindi naman lahat ay mapi-please at aayon kay Vice Ganda, at para sa ibang nakapanood, binastos daw ng TV host ang guest niya sa show dahil halata raw na piniga ito nang husto ni Vice sa maiinit na social issues ngayon ng bansa.

Sabi pa ng ilang netizens, halatang-halata raw kay Vice na hindi nito feel o bet si Sec. Roque kaya masyadong idiniin sa kanilang one-on-one interview.

Well, kani-kanyang interpretasyon ‘yan, pero para sa amin, kaya nga ‘presidential spokesperson’ ang posisyong ipinagkati­wala kay Sec. Harry Roque dahil tiwala ang pangulo na kayang-kaya niyang gampanan ang kanyang tungkulin.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.