Search
  • BULGAR

10 tips para ligtas ang mga impormasyon ni bagets habang babad sa internet

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 1, 2020




Araw-araw, hindi na mabilang ang gumagamit ng computer at internet. Nasa internet ang lahat ng ating kailangang malaman tulad ng balita, social media at lalo na ngayong online na ang pagtuturo ng mga guro dahil hindi nakakapasok sa iskul ang mga bata.


Bukod sa online teaching ng mga bata na inaabot ng 4 hanggang 6 oras, may mga bagay din na puwedeng magsilbing ng libangan gaya ng games na dina-download lang sa mga apps.


Sa Facebook, Instagram at iba pang socmed platform, puwede nang makipag-chat ang mga bata sa mga kaanak at kaibigan at d’yan din sila puwedeng makatagpo ng bagong kaibigan. Malaking tulong talaga ang internet para kahit ang mga nasa ibang bansa ay nakakausap na sa chat.


Sa online teaching, kampante tayo na kausap niya ang guro, pero paano na lang kung matapos na ang aralin? Baka may masamang epekto ang paggamit nila nito. Heto ang tips para maging gabay sa paggamit ng internet ng mga bata at hindi sila malagay sa panganib:

1. Para masiguro ang kaligtasan ng bata, kailangan malaman kung kailan siya gagamit ng online teaching. Dapat sa sala o kusina siya nakapuwesto para madali mong makikita ang kanyang ginagawa. Kung hindi siya komportable, puwedeng sa kuwarto niya pero dalasan mo ang pagtingin sa kanya roon.

2. Magtala ng alituntunin o rules na susundin nila para na rin sa kanilang proteksiyon. Ipagbawal ang paggamit ng Facebook habang nasa klase. I-lock mo na rin ang mga adult chat rooms site para hindi niya mapasok. Pag-usapan n’yo kung ano lang ang maaring tingnan na site sa internet.

3. Magtanong at i-involve ang sarili sa aktibidades ng anak. Mag-surf sa net nang sabay at itanong kung ano ang mga kailangan niyang aralin habang tinuturuan mo siya. Gabayan siya. Magpakuwento tungkol sa mga sinabi ng guro o ng sinumang kaibigan niya na nakausap sa chat nang sa gayun ay updated ka sa pinagkakaabalahan ng iyong anak. Kung nais mo namang malaman kung anong site ang tinitingnan niya sakaling wala nang aralin, maaring i-tsek ang history ng browser upang mabalikan ang mga site.

4. Mag-download ng filtering software na magpoprotekta sa computer at sa mga bata upang maiwasan ang pag-pop up ng malalaswang site. Rito maiiwasan ng mga bata na maibigay ang kanilang pangalan, address, telephone number o iba pang impormasyon. Ipaintindi sa kanila ang halaga ng pagtatago ng pribadong impormasyon.

5. Maging ang mga teenager ay hindi ligtas sa paggamit ng internet. Ang hilig pa naman nilang makipag-chat at pagkaraan lang ng ilang linggo ay magpapasya na siyang makipagkita sa napagkasunduang lugar. Siguraduhing huwag silang makikipagkita sa mga taong nakilala lang nila sa chat.

6. Ipaliwanag sa mga anak na hindi lahat ng kanilang nababasa ay totoo o tama. Ipaintindi sa kanila na ang bawat bagay o pangyayari ay kailangan munang pag-aralan upang may maunawaan at may matutunan.

7. Turuan silang maging mahinahon gaanuman katindi ang galit sa ka-chat. Huwag magbitiw ng masakit na salita online. Iwasan na masangkot sa mga komentong may mga paninirang-puri. Mas makabubuting iiwas sila sa site na pinagmumulan ng mga hindi pagkakaunawaan at huwag nang sasagot sa maling isyu.

8. Ipaalala na ang pagkuha ng mga larawan o artikulo sa internet nang walang pahintulot mula sa may-akda o may gawa ay maaaring makapagpahamak sa kanya dahil ang iba ay bawal gayahin o kopyahin.

9. Huwag hayaang makagamit ang bata ng credit card at ipambayad nila ito para sa anumang transaksiyon niya sa internet, lalo na sa game purchase.

10. Paalalahanan siyang kapag hindi niya kilala ang isang tao, huwag siyang basta makikipag-usap. Sabihan din siyang huwag sasagutin ang mga e-mail na kahina-hinala para sa kanya at kung hindi siya komportable ay paganahin niya ang kanyang kutob.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.