Anjo at Ryan, nag-operate ng iskul, 'di rehistrado, inireklamo
- Ronalyn Seminiano
- Oct 9, 2019
- 3 min read
Updated: Jan 3, 2022
Ronalyn Seminiano / Showbiz Trends

Hinarap nina Anjo at Ryan Yllana ang reklamo ng mga estudyante ng Yllana College sa tanggapan ni Raffy Tulfo sa Action Center ng TV5 matapos umanong madiskubre ng mga mag-aaral na hindi rehistrado ang nasabing eskuwelahan sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Nagpaliwanag ang Yllana brothers at dinepensahan ang pag-aaring paaralan. Sinabi ni Anjo na siya ang unang may-ari ng Yllana College at ipinasa niya ito sa kanyang kapatid na si Ryan. Aminado sila na nagkaroon ng problema dahil sa paglilipat ng lokasyon na naging dahilan ng matagal na pag-aayos at proseso kaya hindi na sila nakapagparehistro sa TESDA.
Humingi naman ng paumanhin ang Yllana brothers lalo na sa mga estudyante at sinabing handa silang tulungan ang mga ito at ibibigay ang refund na gusto nila.
Samantala, may isang nagreklamong nagngangalang Edmond Mitra na sinabing nag-issue umano ang Yllana College ng pekeng certificate na mariin namang itinanggi ng magkapatid.
Dahil sa nangyaring reklamo sa tanggapan ni Raffy, biglang lumabas ang napakaraming bashers ng programa na karamihan umano ay dummy accounts o trolls. Marami ang nagsabing “sablay” si Raffy. Marami rin namang “mema” lang ang comments pero mga hateful words ang mga sinabi kabilang na ang umano’y “bobo” si Raffy.
Pero hindi na napalampas ng palabang host nang murahin siya at idamay na ang kanyang ina sa comments.
Ani Raffy, “Walang sinuman ang may karapatan na ang nanay ko ay isama sa kanilang galit against me. No **** way. It is not going to happen. Magkamatayan na tayong lahat, magkaubusan na tayo ng lahi. Hindi ninyo pupuwedeng murahin ang nanay ko.”
Nagsimula ang matinding bashing na natanggap ni Raffy matapos tanungin ni Anjo Yllana si Edmond (complainant) ng “‘Di na po kayo galit?” na sinagot ni Raffy ng “That is a stupid question.”
Maraming netizens ang nagsabing dapat mag-sorry si Raffy kay Anjo, pero pinanindigan ni Raffy ang kanyang sinabi.
Aniya, “Ilagay po natin sa sitwasyon na kayo po ay na-scam, kayo po ay naloko, kayo po’y pinaglaruan, kayo po’y pinaikut-ikot and then, nakaharap n’yo na po ‘yung mga taong pinaniniwalaan n’yo na nasa likod ng panlolokong iyon, pang-i-scam sa inyo at tinanong kayo, ‘Hindi na po kayo galit?’ ano po ang mararamdaman ninyo? That is an insult to the guy who’s being asked. Adding insult to the injury, ‘ika nga.”
Sinabi rin ni Raffy, sa unang complaint na natanggap nila ay pinagtataguan sila ng Yllana brothers. Ito ang dahilan kung bakit nila in-upload ang unang video at nang in-upload nila ang ikalawa kung saan nakuha nila ang panig ng NBI at TESDA na umabot sa 1 million views, doon lang nagtungo sa Action Center ang magkapatid na Yllana.
Ani Raffy, sinabi raw mismo ng magkapatid na nagtungo sila roon dahil sa 1 million views at kung hindi dahil sa dami ng views ay malamang na hindi ulit sila siputin ng magkapatid.
Sabi ni Raffy, “Now let’s talk about GMRC na sinasabi po ni Mr. Yllana… I’m not quarrelling with Mr. Yllana rito. Point by point, sinasabi ko lang po ‘yung sitwasyon na kami po’y nababaligtad then we have to defend ourselves. Good manners and right conduct. Yes, there is such thing. Ang respeto po ay kusang ibinibigay sa taong karespe-respeto. Hindi po ‘yan hinihingi. ‘Yung eskuwelahan po, maging ‘yung mga may-ari niyan, para sa akin, hindi po karespe-respeto.
“Alam n’yo na nga na hindi dapat kayo tumatanggap ng enrollees sapagkat wala pa kayong permit sa TESDA, bakit kayo tumanggap pa?
“Bakit po kayo nagbigay ng certificate na alam n’yo namang walang special order galing sa TESDA na lumilitaw ‘yun po ay peke. Sino po ang walang galang? Ang pambabastos n’yo po ba ay kagalang-galang? Of course, not!
“Ang gusto ni Mr. Yllana, siya po’y i-acknowledge. Why? Sino po kayo para i-acknowledge? Would you expect that from somebody na niloko ng inyong school?” galit pang sabi ni Raffy Tulfo.
Samantala, isinara na ng Yllana brothers ang Yllana College at nahaharap sila sa kasong estafa.
Comentarios