Pagbangon sa pagsubok at tagumpay ibinahagi ng world singing champ
- BULGAR
- May 22, 2019
- 4 min read
LAKAS ng loob, tapang at pagtitiwala sa Diyos ang pinanghawakan ng 25-anyos na singer ng Bulacan upang maiuwi sa bansa ang gold, silver at bronze medals. Dahil sa gabay at patnubay ng ama na naging unang coach ng talentadong singer na si Rachel Ann M. Pegason, nahasa ang kanyang husay sa pagkanta.
Walong taon pa lamang siya nang magsimula sa pag-awit. Pinakuha siya ng kanyang mga magulang ng voice lesson upang mahasa ang kanyang talento.
Sumali siya sa mga school events katulad ng BULPRISA (Bulacan Private School Association) at sa kanyang unang pagsalang ay napagwagian niya ang ikatlong puwesto na nagbigay sa kanya ng kumpiyansang sumali sa bawat district levels ng mga pribadong paaralan sa Bulacan.
Pinagsabay niya ang pag-aaral at pagsali sa amateur singing contests upang mas lalo pang maging bihasa sa pag-awit. Sa suporta ng kanyang buong pamilya, hindi niya ininda ang mga hirap at pagtitiis sa bawat audition, kahit pa abutin ng magdamag, makasali lang sa patimpalak.
Dahil karamihan ng mga sikat at batikang singer sa panahon ngayon ay nagsimula rin sa pagiging amateur, hindi ikinahihiya ni Rachel ang kanyang simulain. “Sa mga nasalihan ko, nakasama ko rin ang ilan sa mga sikat na singer sa henerasyon ngayon katulad nina Charice, Alyssa Quijano, Katrina Velarde at iba pang nagsimula din sa pagiging amateur.”
Sampung taong gulang siya nang pinasali siya ng kanyang ama sa isang variety noontime show na “MTB, Bulilit Popstar” kung saan ginaya niya si Jessa Zaragosa. Sa kanyang unang pagsabak ay napasama siya sa mga semi-finalist at dito rin niya naging katunggali si Charice Pempengco. Nasundan ito ng pagsali niya sa singing contest sa SM Fairview sa edad na 11 at nagkaroon din ng audition para sa “Little Big Star Season 1” kung kaya’t hindi na niya pinalagpas ang pagkakataon. “Nag audition ako at dahil mabuti ang Diyos, nakapasa ako sa Little Big Star (Season1), at ang host nito ay si Sarah Geronimo, dito rin muli kong nakalaban at nakasama si Charice Pempengco, pati na rin sila Sam Concepcion, Makisig Morales at iba pa.” Nabigyan siya ng pagkakataong manalo at makasama sa Grand Finals, “bilang 4th placer dito ako nagkaroon ng mga taga-subaybay o mga fans na nag a-upload ng videos on youtube that time.”
Hindi siya sumuko sa pangarap at piniling lalo pang pagbutihin at pag-aralan ang iba’t ibang estilo ng awit kung kaya’t pumasok siya sa mga workshop. “I’m still trying to join in some national singing competitions on TV, pero mailap ang pagkakataon. Hindi puwedeng sumuko, pero puwede namang magpahinga.”
Dahil sa mga kabiguan sa ilang sinalihang contests, dumating ang puntong nakaranas siya ng depression dahil alam niyang ibinigay niya ang lahat ng kanyang makakaya, kasabay nito’y dumanas din siya ng heartbreak kung kaya’t huminto siya sa pag-aaral. “I need to cope up with myself, hindi ako kumakain, nagkaroon ako ng sleep deprivation. That’s the time po na pumasok ako para mag-serve kay Lord kasi alam ko run ko makikita ‘yung peace na kailangan ko and hindi ako binigo ni Lord sa pag-seek ko sa Kanya.”
Hinarap niya ang mga pagsubok at tinapos ang pag-aaral sa highschool at nag-aral ng kolehiyo, ngunit sa hindi inaasahang pagkakatao’y muling nagbukas ang oportunidad pagkatapos ng sampung taon na pamamahinga sa larangan ng pag-awit, sa ika-22 anyos niya, muli siyang sumali sa isang prestihiyosong patimpalak, “I joined World Championships of Performing Arts (WCOPA Team Philippines 2015) at Long Beach, California, USA and by the grace of God, I brought home the bacons, I won gold, silver and bronze medals. I also got a prestigious industry award and a Division Winner plaque. Hindi naging madali ang solicitations and preparations para lang makasali sa competition na ito and I can say marami ang bukas-palad na tumulong sa aking tagumpay.”
Dahil sa titulo at mga medalyang napagtagumpayan, siya’y binigyang recognition ng Municipal Province of Bulacan kung saan siya’y nabigyan ng “Gintong Kabataan Award” at “Gawad Kabataan Marilenyo Award” kung saan nakasabay din niyang nabigyan sina Maine “Yaya Dub” Mendoza at Michael Pangilinan na mga tubong Bulacan.
Pagkalipas ng isang taon, pagkatapos ng WCOPA ay sumali siya sa “Tawag ng Tanghalan” ng “Showtime” kung saan siya’y naging daily winner. Dito niya nakatunggali si Noven Belleza, ang nakasungkit ng kampeonato.
“Napakarami kong tagumpay na ipinag-papasalamat hanggang ngayon sa Diyos, sa aking pamilya, mga kaibigan at mga taong patuloy na naniniwala at sumusubaybay sa aking talento.”
Sa ngayon ay nag-aaral siya bilang 3rd year student sa Centro Escolar University sa kursong Conservatory of Music Major in Music Education, Voice Major. Isa rin siya sa mga singer/performer na ipinapadala sa ibang bansa ng Department of Tourism sa pangangasiwa ng Sindaw (Randy Guevarra) at La Lira Filipina Ensemble upang mas mapaganda ang turismo dito sa ating bansa.
Miyembro rin siya ng GSeven Event Singer at isa sa mga talent ng We Sing PH. Kasabay nito ay naglilingkod din siya sa Jesus is Lord Church.
“I am nothing without God, wala ang lahat ng mga achievements na ito kung hindi dahil sa Kanya. Naniniwala kasi ako na may God’s perfect time para sa lahat ng bagay, maaring hindi mo ngayon makamit ‘yung pangarap mo pero may mas magandang nakalaan pala sa hinaharap mo, panalangin ang kasagutan sa lahat ng ito and if that happens already, give back all the glory to God! To God be all the glory! I can do all things through Christ who strengthens me—Philippians 3:14 and Jeremiah 29:11, for I know the plans I have for you, plans to prosper you and not to harm you, plans to give you hope and a future.”
Comments