Rider tepok, 3 pa sugatan sa karambola
@Balitang Probinsiya | August 24, 2022
CAMARINES NORTE—Isang rider ang namatay at tatlo pang katao ang sugatan sa naganap na karambola o banggaan ng tatlong motorsiklo kamakalawa sa Bgy. Taisan, Basud.
Nakilala ang nasawi na si Emelson Sacris, residente ng Bgy. Mangcabagong sa naturang bayan, samantalang inaalam pa ng pulisya ang pangalan ng tatlong kataong nasugatan sa naganap na aksidente.
Ayon sa ulat, mabilis umano ang takbo ng motorsiklong minamaneho ni Sacris at ng dalawa pang motorsiklo, na ang isa ay minamaneho ng hindi pa kilalang rider at ang isa pang motorsiklo ay may lulan namang magkaangkas kaya aksidenteng nagkabanggaan ang tatlong sasakyan sa nasabing lugar.
Nabatid na dinala ng mga saksi ang apat na biktima sa ospital, pero idineklarang dead-on-arrival si Sacris.
Sa ngayon ay nag-iimbestiga pa ang mga awtoridad upang mabatid kung sino sa mga biktima ang may pananagutan sa naganap na aksidente.



Comments