Plantasyon ng 'damo' sinalakay
@Balitang Probinsiya | April 18, 2022
KALINGA – Isang plantasyon ng marijuana na kilala din sa tawag na "damo" ang sinalakay ng mga awtoridad kamakalawa sa bayan ng Tinglayan sa lalawigang ito.
Ang sinalakay na plantasyon ng marijuana ay nasa bulubunduking lugar ng Bgy. Butbut Proper sa nasabing bayan.
Ayon sa ulat, may nag-tip sa mga awtoridad na may plantasyon ng marijuana sa naturang lugar kaya agad itong sinalakay ng mga operatiba at dito natagpuan ang mga pananim na illegal drugs na nagkakahalaga ng mahigit P15 milyon.
Napag-alaman na wala sa nasabing lugar ang mga namamahala sa plantasyon ng marijuana nang salakyin ito ng mga awtoridad.
Agad sinira at sinunog ng mga awtoridad ang mga pananim na marijuana at sa kasalukuyan ay pinaghahanap na ng mga operatiba ang mga suspek na namamahala sa plantasyon ng illegal drugs.



Comments