top of page

Para wa’ na problemahin… Lolo, inihanda na ang ataul, kanta at lote

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 26, 2024
  • 3 min read

ni Cedrick R. Lasala @Life & Style | Oct. 26, 2024



Iskul Scoop

Isa ka ba sa mga taong naghahangad nang maayos at magandang kabaong kung sakali man ika'y mamamatay, o isa sa nag-i-invest para makaipon at makabili ng magarbong kabaong? 


Kung isa ka sa akin nabanggit, sabay-sabay nating kilalanin ang isang lolo, na mula sa Palanas, Masbate na gumawa ng kanyang sariling kabaong.


Sa panahon kung saan ang pagtingin ng mga tao sa kamatayan ay kadalasang may kalakip na takot, pighati at kalungkutan, may isang kuwentong taliwas sa karaniwan. 


Si Lolo Sayling, 92, ay mas piniling gumawa ng kanyang sariling kabaong. Hindi lamang ito isang kuwento ng pagpapakumbaba at kahandaan sa hinaharap, kundi pati na rin sa pagtanggap sa ‘di maiiwasang bahagi ng buhay.


Si Lolo Sayling ay kilala sa kanyang pagiging masipag na mabigyan ng handog ang sarili sa kabila ng kanyang edad, at ito ay ang isang simpleng kabaong.


Maraming residente sa lugar ang nagulat, natakot, at humanga kay Lolo Sayling dahil sa paggawa nito ng sarili niyang ataul na swak mismo sa kanyang sukat. 


Noong siya ay nasa kabataan pa lamang, nagkaroon siya ng ideya na magtanim ng isang puno na kung saan ay tiniyak niya sa kanyang sarili na kung siya man ay aabot sa katandaan, gagamitin niya ang kahoy na ito para makagawa ng isang kabaong.

Isang simpleng kabaong ang kanyang ginawa, walang engrandeng disenyo pero siksik naman ito sa pagmamahal at malalim na kahulugan. 


Hindi pinili ni Lolo Sayling ang marangyang kabaong dahil sa malaking gastos na maaaring kailanganing ilaan upang makabili nito. 


Kaya naman, mas pinili niya na gumawa na lamang ng sariling ataul na tanda ng pagpapakumbaba at pagtitiwala sa nasa itaas. Ito rin ay tanda ng kanyang mapayapang pagtingin sa buhay.


Nang mamatay ang kanyang asawa, aminado siya na malaki ang gastos na kanilang kinailangan upang maipaburol at maipalibing nang maayos ang kanyang asawa. 


Kaya naman, naisipan ni Lolo Sayling na imbes gumastos ng malaki ang kanyang maiiwang kamag-anak, gumawa na lamang ito ng isang kabaong upang makabawas sa gastusin na maaaring kaharapin ng maiiwan niyang kapamilya.  


Bukod dito, plantsado na rin ang susuotin niyang damit, na siyang sinuot niya noong ikinasal siya.


Ito ang damit ko nu’ng kinasal kami at ito rin 'yung isusuot ko kapag namatay na ako dahil maayos pa naman, kasya pa naman,”  kuwento ni Lolo Sayling.

Gayunman, nag-iwan na rin daw siya ng P1000 sa bulsa para maipambayad sa pari.


Nakahanda na rin umano ang lote sa sementeryo, kung saan siya ililibing. Ang gusto ni Lolo Sayling ay du’n din siya ilibing kung saan nakahimlay ang kanyang misis, mga kapatid at ina. 


Mukhang pinaghahandaan na talaga ni Lolo Sayling ang kanyang pagpanaw dahil maging ang kantang patutugtugin sa kanyang burol ay isinulat niya na rin. 

Sinulat ko para kantahin nila kung mamatay na ako kasi 'di naman ako makakanta dahil patay na kaya basahin na lang nila," dagdag pa nito. 


Para kay lolo Sayling, ang kabaong na kanyang ginawa ay hindi simbolo ng pagtatapos, kundi simula ng kabuuan ng isang mahaba at makulay na paglalakbay. 


Sa bawat pako na nakakabit sa kanyang kabaong, handa pa rin siyang harapin ang mga susunod na kabanata ng kanyang buhay.


Ang kuwento ni Lolo Sayling ay isa lamang sa maraming kuwento na nagbibigay ng inspirasyon at kakaibang pananaw sa buhay at kamatayan. Ang kanyang kabaong na siya mismo ang gumawa ay patunay na ang paghahanda para sa hinaharap ay hindi palaging may kasamang takot at pangamba. Minsan, ito ay puno ng tapang at karunungan na nanggagaling sa masaya at makulay na karanasan.


Hanggang ngayon, buhay na buhay pa si Lolo Sayling, at patuloy na nagiging inspirasyon sa kanyang pamilya at komunidad. 


Ang kuwento ni Lolo Sayling ay isang paalala na sa harap ng kamatayan, makakahanap pa rin tayo ng kapayapaan sa pagtanggap at pagmamahal sa buhay. 


Ano sa tingin n’yo mga Ka-BULGAR? Dapat nga ba natin i-normalize ang ganitong klaseng diskarte ni Lolo Sayling upang makaiwas sa maaaring gastusin na kakaharapin ng ating mga kamag-anak? Lingid sa ating kaalaman, talaga namang napakamahal na ng gastusin ngayon. Kaya hindi kataka-taka na marami sa atin ang mas pinipiling magkaroon ng sariling Funeral Services kahit ito ay hulugan. 


Ang kahandaan sa kamatayan ay hindi nasusukat sa marangyang kabaong o simpleng kabaong, kundi sa pagkakaroon ng kapayapaan sa loob at magandang natutunan habang tayo ay nabubuhay pa. Gets?




Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page