Search
  • BULGAR

Para maging wais na misis... Iba’t ibang istayl ng pagtitipid, alamin!

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 21, 2020




Nasa tamang diskarte na rin ni misis sa panahong ito ng pandemya kung paano matutulungan si mister na maging matipid sa paggastos gayung isa lang ang may trabaho.

1. Magbadyet mabuti. Pababain ang mga bayarin. Kontrolin ang pag-grocery, huwag nang oorder sa labas ng pagkain at magluto na lang ng sapat sa budget. Kung minsan, ang pag-order ng pagkaing hindi naman masyadong makakain sa pamilya at mabubulok lamang sa ref ay isang malaking aksaya. Tandaan na may delivery fee rin ‘yan, kaya sayang ang ginastos. Tutal, wala namang mapaglibangan sa labas ngayon, walang sine, wala nang kain sa labas, malaking tipid na rin.

2. Tiyempuhan na lang ang mga discounted na bilihin. Mas makatitipid sa diskuwentong gastusin.

3. Ikumpara ang presyo ng regular na binibili sa ibang tindahan at alamin ang pinakamurang bilihan. Piliin ang pinaka-nakakamurang tindahan. Bumili lang sa convenient store kung talagang kailangan tulad ng gamot, lalo na kung alanganing oras na sarado na ang drugstores.

4. Tingnan din kung ano ang mas murang serbisyo ng internet, cable, telepono o cellphone loads. Kung may mas mura, doon ka kumagat lalo na kung may diskuwento, pero maging matalino rin sa pagpili ng items, suriing mabuti kung magagamit din nang pangmatagalan at magtanong din muna sa ibang kaibigan para sa rekomendasyon kung ano ang mas mura at mas okey gamitin.

Pero kung talagang kailangan nang magbawas ng mga gastusin at hindi naman talagang kailangan ay ipaputol na ang serbisyo. Pero kung may special offer naman ng pinagsamang telepono, internet at CCTV o cable at malaki ang diskuwento ay mas matipid na ‘yan lalo na kung may nag-aaral sa bahay o may online learning o schooling.

5. Magbaon na lang ng ulam at kanin sa trabaho. Kung nasa 5 kilometro lang ang layo ng pinagtatrabahuhan, magbisikleta na lang. Pampalakas pa ng katawan at healthy pa ang pagbibisikleta.

6. Kung may gustong bilhin, hintayin ang mga bargain sales o bagsak presyo sa isang bagay na gusto mong mabili. Kung dati ay presyong P4,300, tapos ay nakita mo ngayon na P1,300 na lamang, aba’y bilhin na, 3 taon mo nang inaasam ‘yan para magamit na sa bahay.

7. Pinakamainam sa lahat ay maaari kang magluto ng pangmeryenda na puwede mong ibenta sa harapan ng iyong bahay. Sa maliit na puhunan ay tutubo na ito mula na rin sa iyong diskarte at sipag.

Para maiwasan mo naman ang magtatalak sa loob ng bahay, heto ang mga tips:


Kung sinasabihan ka ng iba na parang sirena ang lakas ng bibig mo kapag nagsasalita o para kang sirang plaka na paulit-ulit na nagtatalak, narito ang talaan ng pitong paraan upang maiwasan mo nang magpaulit-ulit nang sinasabi o ‘ika nga ay nagtatalak at makikita mong kapag nasanay ka ay magiging maganda naman ang resulta.


Bagay na kailangan: Lumang magasin, diyaryo, malinis na papel o sticky notes o kaya ay cellphone chat.

1. Magbigay ng isang gawain o trabaho sa isang pagkakataon. Isulat kung anuman ang natapos na gawain ng anak, nakakumpleto na at kung ano ang naging kinahinatnan ng iyong pagtatalaga sa kanya.

2. Gumamit ng biswal na imahe tulad ng mga nasa Facebook chat upang masabi nang eksakto ang gusto mong sabihin. O kaya naman ay gumupit ng larawan mula sa isang magasin o diyaryo ng isang napakaganda, malinis at maayos na hitsura ng isang silid at idikit ito sa pintuan ng kuwarto ng bata. O kaya naman ay mga aral na dapat niyang matutunan sa buhay araw-araw.

3. Gumawa ng aksiyon: Sumulat ng note sa tangan ng walis tambo: “Gamitin mo ako, kailangan kong magtrabaho.” Kung nais mo na matutong magwalis ang mga bata.

4. Diretsahang pagsasalita. Sabihin, “Pakihugasan lang ang plato, please,” hindi ang salitang, “Kung may oras kayo, pakiusap lang, pakihugasan ang plato.”

5. Isa-isang utos lamang. Kunin ang atensiyon ng bata at sabihin sa kanya na, “Pakainin mo ang aso, anak, please” habang ikaw ay may kausap sa telepono o naglalaba.

6. Ipakita ang pasasalamat. Gumawa ng espesyal na pagkilos kung gaano kahalaga sa ‘yo ang pagtanggap sa kanyang mga ginawang tulong.

7. Humingi ng tulong. Mas bigyang obligasyon na mag-utos ang asawang mas matapang para magawang sumunod kaagad ng mga anak. Kadalasang mas nakikinig ang anak sa iisang magulang, lalo na ‘yung kinatatakutan.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.