top of page

LGUs, dapat mas aktibong makilahok sa pag-angat ng edukasyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 9
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 9, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Ngayong buwan ng Oktubre, ipinagdiriwang natin ang Local Government Month. Bilang dating alkalde ng Lungsod ng Valenzuela, nauunawaan ng inyong lingkod na mahalaga ang papel at pakikilahok ng mga local government units (LGUs) pagdating sa edukasyon. Kaya naman patuloy nating isinusulong ang mas malawak na responsibilidad at kakayahan ng mga LGUs sa paghahatid ng edukasyon at pag-angat sa kalidad nito.


Noong nakaraang Mayo, naging ganap nang batas ang Early Childhood Care and Development System Act (Republic Act No. 12199) na isinulong ng inyong lingkod. Sa ilalim ng naturang batas, ang mga local government units ang magiging responsable para sa pagpapatupad ng ECCD System. Saklaw ng ECCD System ang kabuuan ng mga programang may kinalaman sa kalusugan, nutrisyon, early childhood education, at social services development programs para sa mga batang wala pang limang taong gulang. 


Layunin ng naturang batas na gawing bahagi ng ECCD System ang lahat ng batang wala pang limang taong gulang, bagay na magpapatatag sa pundasyon ng kanilang edukasyon. Ngunit maliban sa paghahatid ng mga programa at serbisyong may kinalaman sa ECCD, marami pang maaaring gawin ang mga LGU pagdating sa edukasyon. 


Kaya naman sa ilalim ng 20th Congress, naghain tayo ng mga panukala para sa mas aktibong pakikilahok ng mga LGU sa edukasyon ng ating mga kabataan. Isa na rito ang 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 53), kung saan iminumungkahi natin ang mas malawak na paggamit sa Special Education Fund (SEF). 


Sa ilalim ng ating panukala, maaari nang gamitin ang SEF sa pagbili ng mga libro at iba mga kagamitan sa pag-aaral, pananaliksik, pagpapatakbo ng mga programa sa Alternative Learning System (ALS), at iba pa. 


Nakasaad din sa panukalang ito na magiging sukatan ng tagumpay ng mga LGU ang participation rate ng mga mag-aaral, bilang ng mga dropouts at out-of-school youth, porsyento ng mga mag-aaral na nakaka-graduate, performance ng mga mag-aaral sa mga standardized tests, pagpapatayo ng mga child development centers, suporta sa special needs education at ALS, at ang pagpapatakbo sa Parent Effectiveness Service Program.


Inihain din natin ang Batang Magaling Act (Senate Bill No. 361), kung saan magiging mandato ng mga LGU na tiyakin ang kahandaan ng kanilang mga mag-aaral para sa trabaho. Sa ilalim ng panukalang batas na ito, pangungunahan ng mga LGU ang pagpapatatag sa ugnayan sa pagitan ng Department of Education, mga paaralan, at mga katuwang sa industriya upang tugunan ang jobs-skills mismatch na nararanasan ng ating mga senior high school graduates.


Isa pang panukalang batas na inihain natin ang National Literacy Council Act (Senate Bill No. 628), kung saan itatalaga ang mga LGU, sa pamamagitan ng mga local school board, bilang de facto local literacy councils. Sa ganitong paraan mapapaigting natin ang pakikilahok ng mga LGU sa pag-angat ng literacy sa bansa.


Sa pagkakataong ito, nais kong bigyang pugay ang ating mga LGU lalo na’t sila ang unang naghahatid ng mga kinakailangang serbisyo at programa ng ating mga kababayan. Sa lahat ng ating mga opisyal at kawani ng ating mga LGU, maraming salamat sa inyong serbisyo. 


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

 
 
 

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page