top of page
Search
BULGAR

Guro, nanakit at nagmura sa mga estudyante, sinibak

ni Ryan Sison @Boses | May 22, 2024



Boses by Ryan Sison


Isa na namang reklamo ang isinampa laban sa isang guro dahil sa umano’y pananakit at pagmumura sa tatlong lalaking estudyante sa isang paaralan sa Lubao, Pampanga.


Batay sa report, isang video ang nag-viral, kung saan makikita ang isang guro na nananampal, nanghihila ng buhok at nagku-curse o nagmumura sa tatlong lalaking Grade 9 students habang kumukuha ang mga ito ng exams.


Ayon kay Police Lieutenant Colonel Dedrick Relativo, hepe ng Lubao Police Station, ang adviser na subject adviser at teacher ay na-outrage dahil ang mga estudyante na mga biktima ay nagkaroon ng heated arguments. Kaya aniya, makikita sa viral video na ang mga biktima ay subjected ng adviser ng physical abuse at verbal abuse.


Ang mga magulang naman ng mga estudyante ay nabigla at nalungkot dahil sa nangyari.


Tinanggal na ang naturang guro sa kanyang puwesto habang ang kaso ay inendorso na rin sa Department of Education (DepEd) Regional Office para sa imbestigasyon.


Nagsampa na rin ng kaso ang pulisya sa City Prosecutor’s Office laban sa titser dahil sa paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.


Sa ngayon ay sinusubukan pang makakuha ng statement mula sa guro matapos ang insidente.

Tila nauulit ang mga naire-report na kaso ng pananakit, paninigaw o mga kahalintulad nito, ng isang guro sa kanyang mga estudyante.

Sadya ba talagang nahihirapan na ang ating mga guro sa pagtuturo, pakikisama at pag-aaruga sa kanilang mga mag-aaral kaya umaabot na sila sa puntong manabunot, manampal at magmura, kung saan naubusan na rin ng pasensya at nawalan ng kontrol dahil sa sukdulang galit?

Batid ng lahat na totoong mahirap ang propesyon ng pagtuturo at hindi madali ang maging isang guro, subalit ito ang kanilang pinili kaya sana ay isapuso at pagbutihin na lamang sa trabaho. 

Paalala natin sa ating mga guro na bago kayo pumasok sa inyong mga klase ay palagi ninyong punuin ng pagtitimpi ang sarili. Pairalin din sana ang pagiging mahinahon at mapang-unawa sa kabila ng mga makukulit at pasaway na mga estudyante para walang maging problema.

Sa kinauukulan, napapanahon na sigurong suriin ang sistema sa pagtuturo ng ating mga titser. Baka hinahayaan na lamang sila sa kung ano ang kanilang gustong style ng pagtuturo. Dito kasi lumalabas kung minsan ang mga itinuturing ng mga estudyante na terror teacher at hindi ito nakakabuti para sa mga bata. Huwag nating pabayaang humantong ang ating mga guro na makasakit ng kanilang estudyante, na paulit-ulit na ring nangyayari. 

At kung sakali mang mapatunayang nanakit o lumabag nga ang isang guro, dapat na siya ay parusahan, alisan ng lisensya sa pagtuturo at hindi basta lang tanggalin sa trabaho. Sa ganitong paraan ay magdadalawang isip na ang sinumang guro na umabuso sa kanyang tungkulin.



 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page