top of page

Baog na live-in partner, ‘di na labs dahil masakit magsalita

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 19, 2021
  • 3 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | July 19, 2021



Dear Sister Isabel,

Magandang araw sa inyong lahat. Gusto kong ibahagi sa inyo ang aking buhay at humingi ng kaukulang payo sa suliraning bumabagabag sa akin.

May lima akong anak at hiwalay sa asawa dahil may iba na siyang kinakasama. Nakatagpo siya ng mas sexy, maganda at sa tingin ko ay mahusay sa kama. May nagkagusto sa aking binata at tanggap niya ang aking mga anak. Sa umpisa ay maganda ang pagsasama namin, subalit habang tumatagal ay lumalabas ang tunay niyang ugali. Masakit siyang magsalita at halos hindi ko na masikmura ang mga sinasabi niya, bukod pa sa madalas ay nandu’n siya sa nanay niyang maysakit dahil siya ang nag-aalaga.

Nagpasya akong kausapin ang ka-live-in ko nang masinsinan upang makipaghiwalay, subalit ayaw niyang pumayag. Hindi na ako maligaya sa kanya at wala nang spark ang pagmamahalan namin. Isa pa, baog siya kaya wala kaming anak at ako naman ay kuntento na rin sa lima kong anak dahil malalaki na sila at hindi na alagain. Ano ang dapat kong gawin?

Ayaw niyang makipaghiwalay sa akin sa kabila ng hindi na kami nagkakasundo sa maraming bagay. Mahal na mahal daw niya ako at hindi niya raw kaya kung mawawala ako sa buhay niya. Sana ay mapayuhan n’yo ako sa dapat kong gawin. Maraming salamat.


Nagpapasalamat,

Aurora ng Lemery, Batangas


Sa iyo, Aurora,

Una sa lahat, salamat sa pagtitiwala mo sa akin tungkol sa problema mo. Sa totoo lang, hindi naman gaanong mahirap lunasan ang problema mo. Ang sabi mo ay halos wala nang oras sa inyo ang partner mo dahil nag-aalaga siya ng nanay niya na maysakit, eh ‘di parang hiwalay na rin siya sa iyo. Yaman din lang na nagpasya kang makipaglive-in sa kanya, anuman ang dapat pagpasensiyahan, lawakan mo na lang ang iyong pang-unawa at sabihin ang mga ayaw mo sa kanya nitong mga nakaraang araw. Kung nasasaktan ka sa mga pananalita niya, sabihin mo na maghinay-hinay sa pagsasalita dahil masyadong masakit sa tainga at hindi mo na makayanan.


Alalahanin mo na ang pag-aasawa ay hindi laruan. Hindi ‘yan kaning isusubo at iluluwa kapag napaso. Sa tingin ko ay napakababaw na dahilan ng sinabi mo para hiwalayan siya. Ang pag-aalaga naman sa nanay niyang maysakit ay nagpapatunay na mabuti siyang anak at natural sa kanya ang pagiging mabait. Baka naman may iba ka nang mahal kaya gusto mong makipaghiwalay sa kanya at wala ka nang nararamdamang spark.


Gayunman, mag-isip ka muna nang mabuti bago tuluyang gumawa ng aksiyon. Isipin mong mabuti ang kahihinatnan ng gusto mong gawin. Kung mag-aasawa ka ulit bilang kapalit ng ka-live-in mo ngayon, baka lalong maging mabigat ang problemang kakaharapin mo.


Bigyan mo ng pagkakataon ang partner mo na maibalik ang spark ng pagmamahalan ninyo. May problema lang siya sa nanay niya kaya sa tingin mo ay nagkakatabangan na kayo.


Tingnan mo rin kung sa darating na mga araw ay masakit pa rin siyang magsalita. Palagay ko ay madali niyang mababago ang ugali niya para muling ipadama sa iyo ang pagmamahal niya. Hindi pakikipaghiwalay ang solusyon kundi ang pakikipag-usap nang maayos tungo sa ikagaganda ng pagsasama ninyo at sana ay umiwas ka na sa mga nagpaparamdam sa iyo kung mayroon man.


Alalahanin mo na may kinakasama ka at hindi ka na dalaga. Hindi rin makabubuti sa reputasyon ng mga anak mo kung sa pangatlong pagkakataon ay mag-aasawa ka na naman. Isipin ang mabuti at ang masama ay iwaksi.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page