Kaalaman tungkol sa alta-presyon (hypertension o high blood pressure)
- Shane Ludovice
- Jun 10, 2020
- 3 min read

Sa Pilipinas, humigit-kumulang 15 milyong Pinoy ang may alta-presyon o high blood pressure. Ito rin ay kilala sa tawag na hypertension. Ang saklaw ng normal na presyon ng dugo ay 120/80 pababa.
Kapag ang presyon ay nasa pagitan ng 121/81 at 139/89, ito ay maituturing na high normal o mataas, ngunit wala namang dapat ikabahala. Subalit, kapag ang presyon ay umabot ng 140/90 pataas, ito ay maituturing nang alta-presyon o high blood pressure.
Tinaguriang “silent killer” ang pagkakaroon ng high blood pressure sapagkat hindi lahat ay nakararanas ng mga sintomas. Ngunit kadalasan, kapag naapektuhan ng kondisyong ito, ang pasyente ay maaaring makaramdam ng pananakit ng batok, pagkahilo, pagbigat ng ulo at marami pang iba.
Walang pinipili ang alta-presyon — kahit ang mga nasa edad 18 lamang ay maaaring magkaroon nito. Kadalasan, nagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo kapag hindi malusog ang paraan ng pamumuhay ng tao.
Mga sanhi:
Labis na pag-inom ng alak. Lingid sa kaalaman ng iba, ang alak ay mayaman sa calorie at asukal. Dahil dito, dumarami ang lipid o taba sa daluyan ng dugo. Kapag sumobra na ang mga ito sa katawan, mapipinsala ang mga daluyan ng dugo tulad ng artery at titigas ang mga ito kalaunan. Ito naman ay nagdudulot ng pagtaas ng presyon ng dugo.
Paninigarilyo. Ang nicotine na nakukuha sa paninigarilyo ay nakapagpapalapot at nakapagpapakumpul-kumpol ng dugo. Bukod sa pinapakipot at binabarahan nito ang mga daluyan ng dugo, pinatitigas din nito ang mga artery. Dahil dito, nagkakaroon ng hypertension ang tao.
Hindi pag-eehersisyo. Ang hindi pag-eehersisyo ay isa rin sa mga sanhi ng mataas na presyon sapagkat ang mga taba ay hindi natutunaw at bukod dito ay naiipon sa katawan. Kapag nangyari ito, ang mga daluyan ng dugo ay sisikip at magreresulta sa high blood.
Labis na pagkain ng maaalat at matataba. Ang labis na pagkain ng maaalat ay maaaring makasira ng mga kidney o bato ng katawan. Kapag napinsala ang mga bato, tataas ang presyon ng dugo at maaari ring mamanas. Samantalang ang labis na pagkain ng matataba naman ay nagdudulot ng pagbabara at paninigas ng mga daluyan ng dugo, kaya tumataas ang presyon ng tao.
Pagiging overweight o labis ang timbang. Ang pagiging overweight o pagkakaroon ng labis na timbang ay nagdudulot ng alta-presyon sapagkat dumarami ang kailangang daluyan ng dugo. Dahil dito, ang puso ay kailangang magtrabaho nang higit pa sa normal na kaya nito, kaya tumataas ang presyon ng tao.
Katandaan. Habang tumatanda, ang mga daluyan ng dugo at puso ay unti-unting nagkakapinsala. Tumitigas ang mga ito, na sinasabayan naman ng paghina ng mga kalamnan ng puso.
Pagkakaroon ng kamag-anak na mayroong alta-presyon. Kung mayroong lahi ng alta-presyon sa inyong pamilya, hindi malayong mamana mo rin ito. Kaya naman, kailangang mas pinaiigting pa ang pag-iingat sa paraan ng pamumuhay kapag may kaso nito sa inyong angkan.
Mga sintomas:
Pananakit ng batok
Pagkahilo
Pagbigat o pananakit ng ulo
Panlalabo ng paningin
Pananakit ng dibdib
Hirap sa paghinga
Iregular na pagtibok ng puso
Pag-ihi na may kasamang dugo
Parang may pumipintig sa dibdib, leeg o mga tainga
Pag-iwas:
Mag-ehersisyo araw-araw upang mapanatili ang tamang timbang.
Iwasan ang pagkain ng maaalat at matatabang pagkain.
Kumain ng pagkain na mayaman sa potassium tulad ng saging upang mabawasan ang sobrang asin sa katawan.
Bawasan ang pag-inom ng alak at itigil ang paninigarilyo.
Iwasan ang mga bagay na makapagdudulot ng stress.
Ugaliing magpahinga at matulog ng pito hanggang anim na oras.
Tandaan:
Tulad ng nabanggit, ang alta-presyon o high blood pressure ay tinaguriang “silent killer.” Kaya malaki ang maitutulong ng regular na pagmo-monitor ng presyon ng dugo. Maaaring magpakuha ng presyon ng dugo sa ilang klinika at health center nang libre. Kung ikaw naman ay madalas makaranas nito, umiinom agad ng mga gamot pang-maintenance at mas mainam na bumili ng pansariling blood pressure monitoring device.








Comments