top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Magulang, duda talaga... 11-anyos na namatay sa UTI, ipinare-autopsy dahil Dengvaxia ang sinisisi

  • Daing Mula sa Hukay
  • May 22, 2020
  • 4 min read

Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya

Ang petsang Abril 25, 2017 ay napakahalaga para sa isang inang si Gng. Mary Ann F. Pulumbarit. Ang araw na ito ang inakala niyang simula ng pagdadalaga ng kanyang 11-anyos na anak. Ang pangyayaring ito ay maituturing na milestone sa paglago ng kabataang babae. Handa si Gng. Pulumbarit na gabayan ang naturang anak sa yugtong ito ng kanyang buhay. Kapanahunan ito na buong lugod na tinatanggap ng mga nanay at kababaihang teenager. Sa kasamaang-palad, ang inaakalang masaya at makabuluhang pangyayari na ito sa panahon ng pagdadalaga ng isang kabataan ay naging simula ng magaganap na trahedya, partikular na sa naturang anak ni Gng. Pulumbarit na si Angelica F. Pulumbarit.

Si Angelica, dating mag-aaral sa isang eskuwelahan sa Bulacan, ay 11-anyos lamang nang pumanaw noong Abril 30, 2017. Siya ang panglabing-anim (16) sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng mga pamilya ang libreng serbisyo para sa mga namatay na biktima.

Noong 2016, nakatanggap si Gng. Pulumbarit at kanyang asawa na si G. Almar Pulumbarit ng papel mula sa eskuwelahan ni Angelica na nagsasaad kung sila ay pumapayag na maturukan si Angelica ng bakuna kontra sa Dengue. Nang dahil ang buong akala nila ay makabubuti ito sa kanilang anak ay pinirmahan nila ang nasabing papel. Pagkatapos ng isang buwan, nabanggit ni Angelica sa kanyang mga magulang na naturukan na siya ng bakuna pangontra sa Dengue. Naulit ang nasabing bakuna noong kalagitnaan ng 2016. Naging maayos naman ang kalagayan ni Angelica matapos ang ikalawang turok, hanggang sa noong Abril 25, 2017, ang araw na inakalang milestone sa pagdadalaga ni Angelica, ngunit sa halip ay simula pala ng mapait na mga kaganapan sa kanyang buhay. Sa naturang petsa, ayon kay Gng. Pulumbarit, ganito ang nangyari.

“Nilagnat, nagsuka at sumasakit ang tiyan ng aming anak na si Angelica. Nagsabi rin siya na parang may dugo ang kanyang panty. Akala namin ay niregla na siya dahil labing-isang taong gulang na rin naman siya. Sa lagnat naman niya, pinainom ko siya ng paracetamol para mawala ang kanyang lagnat.”

Noong Abril 27, 2017, higit na nadagdagan ang mga pagbabago sa kalusugan ni Angelica at noong Abril 30, 2017, naging kritikal ang kondisyon niya na nauwi sa kanyang maagang pagpanaw. Narito ang ilang mga detalye ng mga nasabing pangyayari:

  • April 27, 2017 - Nilalagnat pa rin si Angelica, sumasakit pa rin ang tiyan niya saka nagtatae ng parang tubig na kulay dilaw. Patuloy ang pagsusuka niya ng kulay berde, ayaw na niyang kumain at hindi na rin siya nakakatulog kaya dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang ospital sa Bulacan. Isinailalim sa pagsusuri ang dugo at ihi niya. Sinabi ng doktor na may urinary tract infection (UTI) si Angelica. Matapos noon ay binigyan siya ng gamot at sila ay pinauwi na. Ipinainom ni Gng. Pulumbarit ang niresetang gamot para sa UTI ni Angelica, subalit hindi naman bumuti ang kalagayan nito. Nagsimula nang manlata si Angelica dahil hindi na siya kumakain. Umiinom na lamang siya ng tubig. Patuloy ang kanyang pagsusuka at pagtatae.

  • April 30, 2017 - Ibinalik si Angelica ng kanyang mga magulang sa ospital. Sa kasamaang-palad, habang sila ay nasa daan ay nawalan ng malay si Angelica. Pagdating sa ospital, ang sabi ay dead-on-arrival na si Angelica. Dahil hindi makapaniwala ang mag-asawang Pulumbarit na UTI ang sanhi ng pagkamatay ni Angelica, hiniling nila na isailalim sa autopsy ang katawan ni Angelica. Isinagawa ito sa katawan ni Angelica ng isang medico-legal officer sa Malolos. Ang nakalagay sa Postmortem Certificate of Death ni Angelica ay Intra-Abdominal Abscess Secondary to Intestinal Perforation.

Narito ang mga saloobin ng mag-asawang Almar at Mary Ann sa pagpanaw ni Angelica:

“Napakabilis ng kanyang pagkamatay, samantalang kung UTI lamang ang naging sakit ni Angelica ay magagamot naman ang sakit na ‘yun. Doon na pumasok sa isipan namin na ipa-eksaming muli ang bangkay ng aming anak. Duda kami na dahil lamang sa UTI ang ikinamatay niya, lalo pa nga at naturukan siya ng Dengvaxia.

“Mula nang mamatay ang aming anak ay araw-araw naming iniisip papaano siya namatay dahil lamang sa UTI. Ang duda namin ay lalong tumindi nang narinig namin sa balita na naramdaman din ng anak namin ang lahat ng naramdaman ng mga batang namatay na naturukan ng Dengvaxia. Hanggang ngayon, hindi kami makapaniwala sa ang agarang pagkamatay ng aming anak. Sa totoo lang, maayos ang kalusugan ni Angelica bago siya maturukan ng nasabing bakuna kontra dengue.

“Dahil dito, dumulog kami sa tanggapan ng Public Attorney’s Office (PAO) upang hilingin na isailalim ulit sa re-autopsy at forensic examination ang bangkay ni Angelica. Hiniling din namin na tulungan kaming mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng aming anak na si Angelica.

“Nais ko ring banggitin na hindi pa nagkakaroon ng dengue ang aming anak bago siya maturukan ng Dengvaxia at walang ibang kakaiba o bagong gamot o kemikal na pumasok sa katawan ng aming anak kundi ang Dengvaxia.”

Matagal nang naisagawa ng PAO Forensic Team ang forensic examination sa mga labi ni Angelica habang patuloy naman naming hinahawakan ang kaso niya. Hindi bumibitaw ang PAO sa laban na pangkatarungan. Ito ang aming paninindigan at sinumpaang tungkulin. Higit sa lahat, ito ang taus-puso naming handog sa ikatatahimik ng kaluluwa ng mga nagpaparamdam na mga biktima na tulad ni Angelica.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page