‘Di lang isang beses kundi marami pa... Gov’t hospital sa Maynila na tumanggi sa pasyente, gustong p
- Daing Mula sa Hukay
- Apr 17, 2020
- 7 min read
Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya

Sa mga nakaraang artikulo sa kolum na ito, tiniyak ng inyong lingkod na maging sa panahon ng enhanced community quarantine (ECQ), ang urgent legal assistance na pangangailangan ng ating mga kababayan ay agad na aaksiyunan ng ating mga public attorneys at staff na bumubuo ng skeletal work force ng Public Attorney’s Office (PAO), na siya ring itinuturing naming frontliners. Bahagi rin ng PAO frontliners ang inyong lingkod at iba pang opisyales ng aming tanggapan, na tumatalima sa mahahalaga at sensitibong mga bagay na kailangang bigyan agad ng tugon. Kaugnay nito, nais kong ibahagi sa inyo ang agarang aksiyon na isinagawa ng PAO para sa mag-inang nakadetine sa isang ospital. Ang isang ina na nagpaospital upang magsilang noong Marso 29, 2020 at ang kanyang bagong silang na sanggol ay na-release kamakailan lamang sa pamamagitan ng angkop na free legal assistance ng PAO, mula sa sinapit nilang hospital detention sa isang ospital sa Quezon City. Ang hindi kanais-nais na pangyayaring ito ay sinapit ng mag-ina na na-admit sa service ward ng naturang ospital dahil sa kawalan ng kapasidad ng kanilang pamilya na mabayaran ang kabuuang bill nila sa kasalukuyan at dahil sa kakulangan ng malasakit ng nasa likod ng kanilang hospital detention. Ang pamilya ng nasabing mag-ina ay nakapagbigay naman ng deposito sa naturang ospital, gayundin, handa silang magbayad ng bill, ngunit bahagi lamang ng kabuuang halaga ang kanilang kayang ibigay ngayon dahil sa nagaganap na ECQ sa ating bayan. Dagdag pa rito, handa rin silang pumirma sa isang promissory note.
Sa pamamagitan ng demand letter, iginiit ng PAO ang karapatan ng nasabing mag-ina na ma-discharge sa ospital dahil nabigyan na sila ng pahintulot ng kanilang attending physician at ipinahayag din ng pamilya nila na sa pamamagitan ng promissory note ay bibigyan nila ng kasiguruhan ang ospital na pananagutan nila ang kanilang outstanding hospital expenses. Mariin ding ipinaabot ng PAO sa pamunuan ng nasabing ospital na kung hindi sila tatalima sa ipinadala naming demand letter, ang aming kliyente at mother-in-law nito ay magpa-file—sa tulong ng PAO—ng angkop na criminal, civil at administrative action laban sa kanila, ayon sa mga probisyon ng Revised Penal Code, Civil Code of the Philippines at Anti-Hospital Detention Act. Pinaalalahanan din sila ng PAO hinggil sa nagaganap na pandemic, kaya naman ang pamahalaan ay may direktiba na ang lahat ng mga miyembro ng mga komunidad sa bansa na nasa ilalim ng ECQ ay nararapat na manatili sa kani-kanilang tahanan para sa kanilang kaligtasan. Dahil dito, makabubuting i-release na nila ang mag-ina upang hindi na sila ma-expose sa virus. Nakahinga kami nang maluwag nang malaman namin na pinakinggan kami ng pamunuan ng nasabing ospital.
Gayunman, nakalulungkot isipin na sa kabila ng mga kabayanihang namamalas natin ngayon sa ating mga health workers at medical professionals, may mga natitira pa rin sa kanilang hanay na hindi nahahawaan ng kanilang kagitingan. Ang kagitingan sa paglilingkod-bayan at diwa ng bayanihan sana ang contagion o kontaminasyon na manatili sa ating lipunan upang ang mga maralita—na biktima na nga ng kahirapan—ay maiwasan na muling maging biktima sa panahon ng mga kalamidad.
Ang hindi magandang karanasan ng naturang mag-ina at kanilang pamilya sa kamay ng mga namumuno sa ospital ay pinagdaanan din ng pamilya Alcabasa. Hindi man ang mahal sa buhay ng huli ang dumaan sa hospital detention, dinanas naman nito ang hospital rejection. Hindi lamang minsan naganap ang hospital rejection na ito noong pilit sinasagip ng mag-asawang Matalino at Lilia Alcabasa sa kamatayan ang yumaong anak. Ang pumanaw na anak nilang ito ay si Leiden Alcabasa, dating mag-aaral sa isang eskuwelahan sa Calamba City, Laguna at 12-anyos nang bawian ng buhay noong Enero 27, 2018. Si Leiden ang ika-12 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng ilan sa mga sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak) and increase in severity of dengue disease) na consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}—na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng mga pamilya ang serbisyo ng grupo para sa mga namatay na biktima. Tinutugunan din namin ang hiling nilang libreng serbisyo-legal ng aming tanggapan, sa pangunguna ng inyong lingkod.
Ayon sa ina ni Leiden na si Gng. Lilia, hapon ng Hunyo 23, 2016, pagkagaling ng anak sa kanilang eskuwelahan, sinabi nito na siya ay tinurukan ng bakuna kontra dengue. Inilabas din ni Leiden ang kanyang Dengue Vaccine Immunization Record at sinabihan siya na itabi ito dahil dadalhin ulit ito ni Leiden sa eskuwelahan sa susunod na schedule ng pagtuturok ng nasabing bakuna. Noong Disyembre 25 hanggang Disyembre 27, 2017, nagsimulang sumama ang pakiramdam ni Leiden at hindi siya makakain nang maayos, gayundin, nakaranas siya ng matinding lagnat. Sinamahan pa ito ng pagsakit ng ulo, pagsusuka at pagtatae. Regular siyang pinainom ng paracetamol, subalit hindi siya lubusang gumaling.
Pagpasok ng 2018, sa iba’t ibang petsa ng Enero ng nasabing taon, naganap ang mga pangyayaring lubos na nagpahirap sa murang katawan ni Leiden na humantong sa kanyang maagang pagpanaw. Narito ang ilan sa mga detalye ng naturang mga pangyayari:
1. Enero 3, 2018 (alas-6:00 ng umaga) - Dinala si Leiden sa ospital upang mapatingnan sa doktor, dahil kahit pawala-wala ang kanyang lagnat, patuloy naman ang kanyang pagsusuka, pagtatae at pagsakit ng ulo. Isinailalim si Leiden sa x-ray at kinuhanan ng dugo upang suriin. Normal ang naging resulta sa pagsusuri ng kanyang dugo, subalit hindi naging maganda ang resulta ng x-ray dahil ayon sa doktor, ang kalahati ng baga niya ay maputi at ang kalahati ay maitim. Iminungkahi ng doktor na sumailalim siya sa CT scan pero dahil walang sapat na pera ang mag-asawa, nagpasya silang umuwi bandang alas-5:00 ng hapon. Pagkadating nila sa bahay, pinainom nila si Leiden ng mga iniresetang gamot ng doktor. Subalit hindi humupa ang lagnat niya nang araw na ‘yun. Patuloy rin ang pagsakit ng ulo, pagsakit ng tiyan at pagsusuka nito.
2. Enero 6, 2018 - Dinala si Leiden sa isang klinika at ipinakita ang kanyang x-ray result at sinabi ng doktora na mayroon siyang pneumonia at kailangan niyang sumailalim sa CT scan.
3. Enero 9, 2018 - Nagtungo sina G. at Gng. Alcabasa sa isang ospital ng pamahalaan sa Maynila upang ipa-admit si Leiden, ngunit sila ay tinanggihan ng nasabing ospital noong nakita nila ang resulta ng x-ray. Ayon sa nasabing ospital, base sa x-ray result, may Tuberculosis (TB) daw si Leiden at hindi umano ito makabubuti sa mga pasyente ng ospital na may cancer. Dahil tinanggihan ng ospital, bumalik sila sa Calamba at dinala si Leiden sa isang ospital. Sinabihan sila na tuturukan si Leiden ng antibiotic nang pitong beses at gagawin ito nang isang beses kada araw. Nang araw na ‘yun, tinurukan na siya at sila ay umuwi. Araw-araw na dinadala si Leiden sa nasabing ospital sa Calamba upang maturukan ng antibiotics. Si Leiden ay naturukan ng limang beses hanggang Enero 13, 2018, subalit walang nagbago sa kalagayan niya at siya ay lalong nanghina dahil hindi nakakakain.
4. Enero 14 at 15, 2018 - Muling dinala si Leiden sa nasabing ospital sa Calamba, Laguna, dahil siya ay nilalagnat pa rin. Namimilipit din siya sa labis na pagsakit ng kanyang tiyan na sinamahan ng pagtatae at pagsusuka. Dahil mahal ang singil ng ospital na ito at walang sapat na kakayahang magbayad ang mag-asawa, napagpasyahan nila na dalhin muli si Leiden sa nabanggit na ospital ng pamahalaan sa Maynila kahit hinang-hina na ang anak. Muli silang tinanggihan ng naturang ospital at sinabihan ng doktor na sa ibang ospital dalhin si Leiden. Sa pangalawang pagkakataon na sila ay tinanggihan ng naturang ospital ng pamahalaan sa Maynila, tumulak sila patungo sa isa pang ospital sa Maynila. Namalagi sila roon ng 11 araw, subalit walang nagbago sa kanyang kalagayan, gayundin, pinagbawalan siyang kumain dahil hindi pa nila alam kung ano ang sakit nito. Ang ginagamot noon ng tumanggap sa kanilang ospital sa Maynila ay ang sinasabi nitong sakit sa baga ni Leiden. Sa kabilang banda, ang mga magulang ni Leiden ay nagtataka dahil patuloy na lumalaki ang tiyan ng kanilang anak. Hindi na rin siya natutulog at nakatulala lamang. Dahil sa paglaki ng kanyang tiyan, nakatagilid na lamang si Leiden habang nakahiga sa kama ng ospital.
5. Enero 25 -27, 2018 - Sinabihan sina G. at Gng. Alcabasa ng doktor na may natuklasang bukol sa tiyan ni Leiden at sinabi na kailangan nilang dalhin agad si Leiden sa tumanggi sa kanila na ospital ng pamahalaan dahil kung hindi ay magiging huli na ang lahat para sa anak nila. Dali-dali silang naglakad ng papeles upang ilipat si Leiden doon at gabi ng Enero 25, 2018 nang makalipat sila sa nasabing ospital. Noong una, ayaw pa rin silang tanggapin doon hanggang sa kalaunan ay tinanggap din sila pagkatapos ng diskusyon. Habang nakikiusap ang mag-asawa, nanatili muna si Leiden sa ambulansya. Pagka-admit kay Leiden, nilagyan siya ng oxygen at isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri. Pagdating ng gabi ng Enero 26, 2018, sinabihan ng nurse ang mag-asawa na mababa ang pulso at blood pressure ni Leiden na noon ay hindi makatulog. Pagkatapos nito, laking-gulat nila nang pumasok ang mga doktor at nurses sa kanilang kuwarto at sinabihan sila na lalagyan ng tubo sa bibig si Leiden upang makahinga. Pagkatapos lagyan ng tubo, nag-umpisa na siyang maghingalo at sinubukang i-revive. Tatlong beses siyang naghingalo hanggang sa magdamag at sa huling paghihingalo niya (alas-6:00 ng umaga ng Enero 27, 2018), tuluyan nang binawian ng buhay si Leiden.
Lumapit sa PAO ang mga magulang ni Leiden upang masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ng kanilang anak at masuri rin ang mga labi ni Leiden upang malaman ang tunay na sanhi ng kanyang kamatayan. Agad na tinugunan ang mga ito ng PAO at PAO Forensic Team. Ang legal na aspeto ng kaso ni Leiden ay patuloy pa ring tinututukan ng PAO hanggang ngayon. May mahahalagang bagay na idinaing sa amin sina G. at Gng. Alcabasa. Kabilang dito ang bahaging ito ng kanilang salaysay:
“Labis ang aming pagkagulat, lungkot at sama ng loob sa sinapit ng aming anak. Malakas at masiglang bata si Leiden bago pa siya ay maturukan ng nasabing bakuna. Hindi namin akalain na ang anti-dengue na ibinakuna sa kanya na sa aming paniniwala ay magpoprotekta sa kanya laban sa dengue ay siya pa palang maglalagay sa matinding panganib at naging sanhi pa ng kanyang kamatayan. Dagdag pa rito ay nakakalungkot isipin na ang ospital ng gobyerno (‘di pinangalanang ospital) ay tumangging tanggapin ang aming anak upang gamutin, hindi lang minsan pero maraming beses.”
Wala nang sasakit pa sa hinaing na katulad ng nabanggit sa itaas na mula sa naulilang mga magulang, maliban sa mga daing mismo mula sa hukay ng nagpaparamdam na mga biktima.





Comments