Labing-isang araw mula nang mabakunahan... 11-anyos, namaga ang binti at mukha, nanginig at tumirik
- Daing Mula sa Hukay
- Feb 14, 2020
- 6 min read
Pao Chief Persida Acosta / Daing mula sa hukay hustisya

May likas na kabaitan ang mag-asawang Manuel at Kristina Ramirez. Mapalad ang kanilang mga kadugo, kaibigan at lahat ng may kaugnayan sa kanilang buhay dahil sa katangian nilang ito. Isa sa mga kamag-anak nilang nabiyayaan ng kagandahan ng kanilang kalooban ay si John Paul R. Rafael.
Nang mamatay ang ama ni John Paul at mag-umpisa ang pasok sa paaralan noong Hunyo, 2015 ay nasa kanilang pangangalaga na si John Paul hanggang sa naganap ang kalunus-lunos na insidente sa buhay ng batang ito. Bukod sa pagiging mapagkalinga ng mag-asawang Ramirez kay John Paul, sila rin ay puno ng mabubuting salita at positibong komento na nagpapahayag ng kanilang paghanga sa magagandang katangian ng kanilang pamangkin. Anila: “Malakas na bata si Paul at aktibo sa sports. Sumasali pa siya sa track and field na aktibidad ng kanilang paaralan.”
Laking-gulat na lang ng mag-asawa nang ang mga katangiang ito ni John Paul ay unti-unting naglaho sa kanilang paningin hanggang sa tuluyan nang nawala kasabay ng pagpanaw ng huli sa mundo ng mga buhay. Si John Paul R. Rafael, dating estudyante sa isang paaralan sa Bataan ay 11-anyos nang mamatay noong Abril 11, 2016.
Siya ang pang-anim sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas bago namatay ng ilan sa mga sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak and increase in severity of dengue disease) na consistent sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng mga pamilya ang serbisyo ng team para sa mga namatay na biktima. Tinutugunan din namin ang hiling nilang libreng serbisyo-legal ng PAO, sa pangunguna ng inyong lingkod.
Malinaw sa isipan nina G. at Gng. Ramirez ang alaala nila sa pagkakabakuna ng Dengvaxia sa kanilang pamangkin. Narito ang kanilang kuwento hinggil dito:
“Noong Marso, 2016, sinabihan kami ni Paul na mayroong programang bakuna laban sa dengue sa kanyang paaralan. Sa kagustuhan namin na protektahan siya at dahil programa naman ito ng gobyerno, nagtiwala kami at nagpasyang dalhin si Paul sa kanilang paaralan para mabakunahan.
“Mayroong ipinadalang form ang paaralan kay Paul na kailangan umano para sa bakuna. Dahil may tiwala naman kami, pinirmahan ko (Kristina) ang nasabing form na dinala ni Paul kahit hindi pa kami kinakausap ng paaralan tungkol sa programang bakuna. Sa kasamaang-palad, wala kaming kopya ng nasabing form.
“Noong Marso 31, 2016, sinundo ako (Manuel) ni Paul sa aking trabaho para samahan siyang magpabakuna sa paaralan. Sa kagustuhan ko na maprotektahan si Paul, sinamahan ko siya sa paaralan para mabakunahan. Narinig ko lang at nalaman sa mga taong naroon na Dengvaxia ang pangalan ng bakuna at ito ay para maprotektahan sa dengue ang mga bata.
“Pumayag akong (Manuel) mabakunahan ng Dengvaxia si Paul dahil ang iniisip ko ay makabubuti ito sa kanyang kalusugan at mapoprotektahan siya laban sa dengue.”
Matapos mabakunahan si John Paul ay nagkasunud-sunod na ang kanyang mga naramdaman sa katawan. Una, siya ay nilagnat at noong Abril 3, 2016, nag-umpisang sumakit ang kanyang tiyan. Nagsusuka at nagtatae siya, kaya pinatingnan siya sa isang ospital. Kinabukasan (Abril 4, 2016) ay isinailalim sa laboratory examination ang ihi at dumi na kinuha kay John Paul.
Kinuha rin ang kanyang routine blood count at matapos ang isinagawang eksaminasyon, binigyan siya ng gamot na panlunas para sa amoebiasis, ngunit hindi gumaling si John Paul. Patuloy pa rin ang pananakit ng tiyan, pagsusuka at pagtatae niya. Napansin din nina G. at Gng. Ramirez na tumamlay na siya.
Mula Abril 9 hanggang 11, 2016, naging kritikal na ang mga sandali para kay John Paul na naghatid na rin sa kanyang kamatayan. Narito ang kalunus-lunos na sinapit ni John Paul bago siya nalagutan ng hininga:
1. Abril 9, 2016 – namaga na ang kanyang mga binti at ang pamamagang ito ay umabot sa kanyang mukha. Dinala si John Paul sa isang clinic kung saan pinayuhan sina G. at Gng. Ramirez na ipa-admit na nila si John Paul sa ospital na ginawa rin nila noong araw na ‘yun. Napansin ng mag-asawang Ramirez na sumuka ng dugo si John Paul at binanggit nila ‘yun sa nurse, sinabi nito na baka nairita lamang ang lalamunan ni John Paul dahil sa pagsusuka. Si John Paul ay nanatili sa nasabing ospital ng isang araw.
2. Abril 10, 2016 – inilipat ng ospital si John Paul dahil sa kakulangan ng pera. Nang naipasok na siya sa kuwarto, bigla na lang siyang nanginig at tumirik ang kanyang mga mata. Matapos suriin ng doktor ay sinabihan nito sina G. at Gng. Ramirez na brain dead na si John Paul.
3. Abril 11, 2016 – pumanaw si John Paul. Ayon sa kanyang death certificate, ang kanyang ikinamatay ay: “Immediate cause: a: PULMONARY EDEMA; Antecedent cause: b: CONGENITAL HEART DISEASE PROBABLY ACYANOTIC TYPE; Underlying cause: c. ACUTE GASTROENTERITIS WITH MODERATE DEHYDRATION.”
Mahirap tanggapin para sa mag-asawa ang pagkamatay ng kanilang pamangkin, lalo na at malusog itong bata. Anila: “Madalang siyang magkasakit at kung magkaroon man ay simpleng lagnat o sipon lamang. Sa katunayan, mula nang nasa pangangalaga namin siya ay hindi pa siya nagkakasakit.” Dagdag pa rito, hindi sila makapaniwala na may sakit sa puso si John Paul dahil malakas siya at aktibo sa sports. Kaugnay nito, anang mag-asawa:
“Noong inilabas nila ang dahilan kung bakit namatay si John Paul, bagama’t, kami ay hindi mga doktor ay nagkaroon na kami ng agam-agam na hindi siya maaaring namatay dahil sa heart ailment dahil masigla at aktibo naman siya. Kasama siya sa track and field ng kanilang eskuwelahan at kung totoong mayroon siyang sakit sa puso tulad ng nakasaad sa kanyang death certificate ay hindi siya maaaring makasali sa ganu’ng klaseng sport.”
Gayunman, anila, dahil wala silang pera ay wala na silang nagawa sa naging sitwasyon ng kanilang pamangkin, kaya inilibing na ito. Makalipas ang ilang buwan, matapos ang libing ay naglabasan ang mga balita tungkol sa Dengvaxia. Kasama ang mag-asawang Ramirez sa mga naimbitahan sa Senado sa pagdinig tungkol sa usapin hinggil sa Dengvaxia.
Lumabas sa mga balita na mayroong hindi magandang epekto ang nasabing bakuna, lalo na sa mga batang hindi pa nagkakaroon ng dengue. Ani G. at Gng. Ramirez: “Nanlumo kami dahil alam namin na hindi pa nagkakaroon ng dengue si John Paul bago siya naturukan ng bakunang Dengvaxia.”
Dagdag pa rito, sinabi nila ang sumusunod:
“Sa imbestigasyon sa Senado, lumabas pa na dahil pumirma kami sa consent form ay pumayag kami na masaksakan ng Dengvaxia vaccine si John Paul. Subalit, kung sinabi nilang lahat sa amin noong umpisa pa lang ang mga naglalabasang epekto ng Dengvaxia at naipaliwanag nang husto ang posibleng maging kumplikasyon kay John Paul ay hindi kami papayag na mabigyan siya ng vaccine dahil makasasama ito sa kanya dahil hindi pa siya nagkakaroon ng dengue.”
Halos anak na ang turing ng mag-asawa kay John Paul. Ang tanging hangad nila sa pagpapaturok ng Dengvaxia kay John Paul ay upang mapabuti ang kalusugan nito. Sa kabila nito at kahit na lubha na nga silang nasasaktan at nanlulumo sa pagkamatay nito, tila may ipinapasan pa sa kanilang bigat sa konsensiya nang dahil sa pagkakapirma nila sa consent form.
Hindi ito makatwiran at makatarungan dahil ang kawalan o kakulangan ng paliwanag tungkol sa nasabing bakuna ay dahilan ng kawalan din ng informed consent o kapahintulutan na base sa sapat na kaalaman.
Lumapit sa aming tanggapan at sa inyong lingkod ang mag-asawang Ramirez upang mapanagot ang mga taong mayroong kinalaman sa pagpapalaganap ng Dengvaxia vaccine nang walang pag-iingat at tamang pag-aaral.
Sumisigaw sila ng katarungan para sa mahal nilang si John Paul. Ang sigaw nila at tulad nilang mga naulila ng kanilang mga anak, pamangkin at kadugong biktima ay hindi namin pinabayaang mamaos na lamang. Sila ay aming pinakinggan at patuloy naming pinakikinggan ang kanilang mga hinaing. Mahalaga ang kanilang mga tinig dahil sila na lamang ang nagsisilbing boses ng mga hindi mapayapang kaluluwa na nabiktima at naghahangad ng katarungan.
Halos lahat ng mga biktima ay bata. Sinabi ni Rabindranath Tagore, ang tinaguriang India’s Renaissance Man na: “Every child comes with the message that God is not yet discouraged of man.” Kung sa bawat pagsilang ng sanggol, ang Diyos ay nagbibigay ng mensahe na Siya ay hindi nabigo sa pagkakalalang sa tao, ano naman kaya ang mensahe kaugnay sa pagpanaw ng bawat bata na biktima ng matinding kapabayaan?
(Itutuloy)




Comments