Pagkalat ng tsismis, parang nCoV, sakit na walang lunas

Kamakailan, nang maitala sa ating bansa ang unang kaso ng pagkamatay dahil sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV ARD) na pinakauna naman sa labas ng China, ang itinuturing na episentro ng outbreak, sa halip na mag-panic, sang-ayon tayo sa mga awtoridad na kailangan natin itong harapin nang mahinahon at sistematiko.
Sisimulan natin ito sa bawat barangay sa pamamagitan ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs). Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG), ang BHERTs ang tutulong laban sa posibleng pagkalat ng nCoV sa community level.
Ang team ay binubuo ng executive officer, barangay public safety officer at dalawang barangay health workers. Bawat miyembrong itatalaga ng mga kapitan ng barangay ay magsisilbing mga mata at tainga sa pamamagitan ng pagtitiyak na accounted at fully informed ang mga residente mula sa kani-kanilang mga hurisdiksiyon.
Bilang mamamayan, responsibilidad naman nating makiisa sa team na itinalaga sa ating barangay. Tulungan natin silang makapagtrabaho nang maayos at makuha ang impormasyong kailangan.
Isa sa mga maitutulong natin ay ang pag-iwas sa tsismis na hindi maitatangging isa sa mga pinakamatinding sakit sa barangay na hanggang ngayon ay wala pa ring lunas. Ang masaklap, nag-level-up na ito dahil nasa social media na rin.
Utang na loob, iwasan nating makagulo sa pagtala ng mga record. Hindi porke may kapitbahay tayong galing sa ibang bansa na inubo lang ay gagawan na ng kuwento. Sa pagkakataong ‘yan nagsisimula ang gulo hanggang sa mag-panic at lumala na ang sitwasyon.
Binuo ang BHERTs o health team laban sa nCoV para rin sa kapakanan nating lahat, ‘ika nga, prevention is better than cure.
Kaya tigilan na ang tsismis, sa halip ay tumulong tayo kontra epidemya. Hindi ito tulad ng tsismis na kumakalat at sumisira ng buhay kundi kaya nitong bumawi mismo ng buhay.





Comments