Nagpasaklolo na sa mga congressman… Sigaw ng live-in partner: Eddie, namatay dahil sa kapabayaan ng
- Beth Gelena
- Jan 30, 2020
- 2 min read
Beth Gelena / Bulgary Files

Sa bagong panayam kay Lilibeth Romero, ang partner ng yumaong aktor na si Eddie Garcia, nasabi niyang hindi naging maayos ang pag-handle sa katawan ng beteranong aktor nang madisgrasya ito sa taping ng GMA-7 series noong June 8, 2019.
Ito ang naging testimonya ni Lilibeth sa Kongreso kaugnay sa pagdinig ng House Committee on Labor and Employment, ayon sa ulat ng Manila Bulletin nitong January 28.
Dagdag pa sa testimony ni Lilibeth, ayon sa ulat, ipinilit ipasok ang katawan ni Eddie sa loob ng tricycle, at nang hindi ito nagkasya ay binuhat daw ito na parang “lechon” sa kalsada, kung saan naghintay ng taxi ang mga nag-rescue.
Dagdag ni Lilibeth, base pa rin sa ulat, ang pagkamatay ng kanyang long-time partner ay “caused by gross negligence, unsafe working environment” at ang kawalan ng first aid o emergency personnel sa set ng GMA-7.
Nangako rin siya na makikipagtulungan sa nasabing komite upang makabuo ng bagong batas para magarantiyahan ang kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa sa telebisyon at pelikula.
Sa kanyang testimonya, hinimok ni Lilibeth ang mga mambabatas na gawing batayan ang kamatayan ni Eddie upang makapagpasa ng maayos na panukalang batas para maprotektahan ang mga manggagawa sa industriya.
Sinabi rin niya sa hearing na sa imbestigasyon ng Kapuso Network, lumabas na nakaapak ang kaliwang sapatos ni Eddie sa hindi pantay na bahagi ng set kaya ito nawalan ng kontrol at natumba.
Ang kanya namang anak na si House Deputy Speaker Michael Romero ay naghain na ng House Bill No. 0181 na naglalayong makabuo ng Occupational Safety and Health Standards (OSHS) para sa mga manggagawa sa pelikula, telebisyon at teatro.
Pumanaw si Eddie sa edad na 90 noong nakaraang June 20, 2019, ganap na 4:55 PM. Ito ay pagkatapos siyang maratay sa ICU ng Makati Medical Center nang labingdalawang araw. June 8 nang nasangkot sa isang freak accident ang beteranong aktor sa set ng teleseryeng Rosang Agimat sa Tondo, Maynila.
Pinagmumulta ng Department of Labor and Employment-National Capital Region (DOLE-NCR) ang GMA Network at ilan pang kumpanya ng P890,000 kaugnay ng kanyang pagkasawi.
Batay sa imbestigasyon ng DOLE-NCR, nalabag ng network ang tatlong probisyon sa Occupational Safety and Health Standards (OSHS) sa insidenteng kinasangkutan ng award-winning actor-director.
Una, bigo ang GMA-7 na mai-report sa DOLE ang on-set accident sa loob ng 24 oras. Pangalawa, walang safety officer sa set. Pangatlo, wala ring first-aid responder sa location ng taping, ayon sa order ng kagawaran na isinapubliko noong Disyembre 23.





Comments