Traffic sa EDSA, may solusyon na!

Marami nang nangyari pero problema pa rin ang trapik sa bansa, partikular sa Metro Manila.
Gayunman, ‘ika nga, dadaloy din ang ginhawa lalo’t ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), mababawasan na ng 30 percent ang traffic congestion sa EDSA sa 2nd quarter ng taon.
Ito ay dahil sa malapit nang matapos ang Balintawak-Makati Expressway at ilan pang bypass roads. Ayon sa ahensiya, nasa 80% nang tapos ang naturang proyekto at inaasahang mabubuksan ngayong Abril. Kapag nagkataon, inaasahang mahigit 100,000 sasakyan ang mawawala sa EDSA kada araw.
Kasabay nito, may pagkakataon nang makuha ang target na maibaba sa 120,000 ang volume capacity ng EDSA kumpara sa kasalukuyang 400,000 volume na traffic.
Dagdag pa rito, malapit nang matapos ang NLEX at SLEX connector na malaking tulong naman para magkaroon ng alternatibong kalsada ang mga trak na magmumula sa port area sa Maynila.
Kung masusunod ang mga plano kontra-trapik at walang eeksenang aberya, matatapos din ang kalbaryo sa kalsada.
Bilyun-bilyong piso kada araw ang halagang nawawala sa ekonomiya ng Pilipinas dahil sa matinding trapik at kung hindi pa rin ito masosolb ay puwede pang dumoble.
At habang gumagawa ng solusyon ang gobyerno, responsibilidad naman ng bawat motorista at komyuter na sumuporta sa pamamagitan ng tamang disiplina at pagsunod sa mga batas-trapiko.
Tulad ng palagi nating sinasabi, hindi ito kakayanin ng iilan, kailangang magtrabaho ang lahat alang-alang din sa kaginhawahan ng sambayanan.





Comments