Natumbang bahay ng utol, sign na dapat nang humiwalay sa pamilya kapag nag-asawa na
- Socrates Magnus
- Jan 2, 2020
- 1 min read
Salaminin natin ang panaginip ni Annaliza ng Annaliza_San_Juan@ facebook.com
Dear Professor, Nag-aalala ako sa panaginip ko. Nakita ko na natumba ang bahay ng kapatid ko na up and down. Sabi ng kapatid ko, pakitawagan ang asawa niya at sabihin na natumba ang bahay nila. Nagtataka ako dahil maaliwalas naman ang panahon at may araw pa, pero natumba ang bahay nila. Natutuwa pa raw ako dahil maluwang at malinis na ang lote nu’ng natumba ang bahay ng kapatid ko. Ano ang ibig sabihin nito?
Naghihintay, Annaliza
Sa iyo Annaliza, Ang panaginip ay malinaw na hindi tumutukoy sa aktuwal na matutumba ang bahay ng kapatid mo kaya wala kang dapat ipag-alala.
Pero, ayon din sa iyo, natutuwa ka pa dahil malinis at maluwag na ang bakuran n’yo. Ibig sabihin, sadyang masikip ang mundo ng mga pamilyang magkakasama at nakatira sa iisang lugar.
Ganito ang sabi, nasusulat, “Ang nag-asawa ay hihiwalay sa kanilang magulang.” ‘Yung salitang “magulang” ay nagsasabi rin na pamilya kung saan ang mga mag-asawa at kanilang pamilya ay dapat magkakahiwalay o magkakalayo.
Minsan, ang mga nasusulat ay nakakabigla dahil bakit naman hihiwalay ang mga anak sa magulang dahil nag-asawa na at bakit din paghihiwalayin o paglalayuin ang mga magkakapamilya?
Pero kung oobserbahan natin ang buhay sa mundo ay makikita nating tama pala ang nasusulat na dapat magkalayo ang mga pamilyang may mga asawa na.
Makikita natin na kapag magkakasama o magkakadikit ang bahay, hindi maiwasan ang mag-inggitan, magsapawan at mag-away.
Kaya pakinggan mo ang mensahe ng iyong panaginip, isabuhay n'yo ang nasusulat na dapat magkakalayo ang mga may asawa na sa pamilya.
Hanggang sa muli, Professor Seigusmundo del Mundo





Comments