Dasal at tulong, da best na Pamasko sa mga nasalanta ng bagyo
- BULGAR

- Dec 26, 2019
- 2 min read
Bagama’t, maulan, nawa’y naging maligaya at makabuluhan pa rin ang pagdiriwang ng mismong araw ng Pasko.
Gayunman, may mga kababayan tayong halos hindi na namalayan ang paglipas ng araw. Tulad ng mga apektado ng Bagyong Ursula, partikular sa bahagi ng Visayas.
Magkahalong lungkot at takot ang nararamdaman nila dahil sa paghagupit ng bagyo.
Nawasak ang kanilang mga bahay, gayundin ang kanilang kabuhayan. Literal na madilim at malamig ang pagsalubong ng Kapaskuhan.
Sa ngayon, libu-libong pamilya ang nananatili sa mga evacuation centers. Kasabay ng pananalasa ng bagyo, may naitala ring sunog kung saan naging pahirapan ang pagresponde ng mga awtoridad dahil sa malakas na hangin at ulan.
Sana, sa kabila ng mga pangyayaring ito ay hindi tayo mawalan ng pag-asa.
Para sa mga naniniwala sa Pasko, ito ay pagdiriwang ng kaligtasan. Sa panahong ito pinaniniwalaang isinilang si Hesus, ang Tagapagligtas.
Kaugnay nito, nananawagan na rin ang Simbahan para ipanalangin ang mga nasalanta. Sa pamamagitan nito, makarating nawa sa kanila ang tunay na diwa ng Kapaskuhan. Hindi lang ito sa komportableng bahay, dami ng pagkain, regalo o iba pang materyal na bagay kundi ito ay tungkol sa pagmamahal, pagpapatawad at pag-asa.
Huhupa rin ang bagyo at muling maitatayo ang ating mga bahay. Panatilihin nating buo at masaya ang ating pamilya saanman tayo nanunuluyan.
Panawagan naman natin sa lahat, ang diwa ng Pasko ay pagbibigayan kaya sana, huwag lang maging masaya sa pagtanggap ng regalo kundi mas masarap sa pakiramdam ‘yung nagbibigay lalo na sa mga higit na nangangailangan tulad ng mga biktima ng kalamidad na hindi pa man tuluyang nakakabangon ay waring muli na namang nasalanta dahil sa kakapusan ng tulong ng mga nakakaangat naman sa buhay.
Ito na ang pagkakataon para tayo naman ang makapagbahagi ng anumang tulong.
Muli, Maligayang Pasko at salubungin natin ang Bagong Taon na puno ng pag-asa.





Comments