Kailangan daw maoperahan... Willie, umaming may bukol sa tiyan
Beth Gelena / Bulgary Files

Nag-last taping na kamakailan ang Wowowin para sa Christmas episode ng programa ni Willie Revillame sa GMA-7.
Ang saya ni Kuya Wil sa opening ng programa, pero nang matapos ay naging mainit ang ulo ng Wowowin host.
Nilapitan niya ang dalawang jesters at binigyan ng bonus na tig-P5 K. Aniya, “Ang saya-saya kong lumabas dito, pero kayong mga staff ay hindi man lang naglabasan. Wala kayong bonus.”
Pero dahil magki-Christmas ay pinalamig niya ang kanyang ulo. Knowing Kuya Wil, once na nagsalita kapag galit ay tuluy-tuloy ito.
Nang tinawag na niya ang apat niyang lady co-hosts na sina Sugar Mercado, Almira Teng, Ellaine Timbol at Herlene ‘Hipon’ Budol, ang mga ito naman ang kanyang napagdiskitahan.
“Silang apat ay binigyan ko na ng bonus na tig-P50K each.”
Ipinakuha ni Kuya Wil ang naka-envelope na bonus at iwinagayway sa audience.
Ani Hipon kay Kuya Wil, ang bonus na kanyang matatanggap ay ibabahagi na lang niya sa audience basta i-maintain lang siya sa programa habampanahon.
Nararamdaman daw kasi niya ang mga taong galing sa hirap dahil nagmula siya sa mahirap na pamilya. Pero kung mananatili raw siya sa Wowowin ay mas malaking halaga ang kanyang makakamit dahil magkakaroon siya ng regular na trabaho.
Tuloy, ang ibang lady co-hosts ng Wowowin na sina Almira, Sugar at Ellaine ay tinanong ni Kuya Wil kung ise-share rin ang kanilang bonus tulad ng ginawa ni Hipon.
Inisa-isa ng Wowowin host ang pinagmulan ng pamilya ng kanyang mga lady co-hosts.
Ani Kuya Wil, “Si Almira ay anak ng PBA player. Galing ‘yan sa mayamang pamilya. Si Ellaine, mayaman din ‘yan. May-ari ng bangko ang kanyang pamilya. Si Sugar, hmmm… may dalawang anak.”
Bago matapos ang show, sadyang hindi pa rin nakalimutan ni Kuya Wil ang hindi paglabas ng kanyang staff sa opening ng programa.
Aniya, “Eto, for the record, magiging sobrang strict na ako next year. Kung may tatamad-tamad na mga staff at mga uma-absent, kung dapat tanggalin ay tatanggalin ko.
“First offense, bibigyan ng warning, pero ‘pag naulit, hanap ng iba. Maraming nangangailangan ng trabaho.”
Ibinahagi rin ni Kuya Wil ang tungkol sa kanyang kalusugan na kamakailan lang ay napasok siya sa ospital.
Aniya, may nakitang bukol sa loob ng kanyang tiyan ang mga doktor at kailangang tanggalin. Hindi siya agad pumayag dahil iniisip pa niya ang kapakanan ng mga sumusuporta sa kanyang programa lalo na ngayong Pasko.
“Kailangan nilang pasukan ng tubo ang tiyan ko para tunawin ang nakitang bukol na tumubo malapit sa apdo ko. Laparoscopy daw ang tawag du’n,” lahad ni Kuya Wil.
Ganyan si Kuya Wil, kahit may nararamdamang sakit sa katawan, hangga’t kaya niyang ipagpaliban ang pagpapagamot ay kanyang ginagawa mabigyang-kasiyahan lang ang mga taong sumusuporta sa kanyang programa.
After ng Christmas episode ng Wowowin ay umuwing masaya ang audience dahil lahat ay binigyan ni Kuya Wil ng mga regalo. Walang umuwing luhaan kumbaga!!!





Comments