Panalo ng Bataan, lumawig pa; Bicol at Rizal, nakapanalo
- Alvin Olivar / MC
- Nov 22, 2019
- 1 min read

Photo: Maharlika Pilipinas Basketball League
Napanatili ng Bataan Risers ang tibay sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Lakan Season sa bisa ng 71-60 na panalo kontra Nueva Ecija Vanguards noong Miyerkules ng gabi sa Bataan People’s Center sa Balanga.
Bumanat si Bryon Villarias ng 23 points, kabilang na ang tatlong diretsong tres upang manggulat ang Risers kontra Rice Vanguards upang itala ang ika-pitong diretsong panalo na may kartadang 14-8 record sa North division. Mahigpit ang kanilang labanan hanggang sa makakuha ng magandang momentum si Villarias sa third quarter at bitbitin ang pag-angat ng kalamangan ng Risers, 54-43. Kuminang din ang laro ni Ryan Batino sa Risers ni Coach Jonas Villanueva sa bisa ng 21 points at 12 rebounds habang si Gino Jumao-as ay may ambag na 10 points. Ang Rice Vanguards, na may dalang 1085 supporters na nakasakay sa 20 buses mula sa provincial capital ay may 16 points mula sa tikas ni Arvin Tolentino, 12 points kay Jai Reyes at 11 kay Vince Tolentino, pero naiwan pa sa 5-16 na kartada.
Sa iba pang laro, nilusaw ng Bicol Volcanoes ang Parañaque Patriots,79-68, habang ang Rizal Golden Coolers ay pinasuko ang Sarangani Province, 77-73. Sa lakas nina Ronjay Buenafe, Jerome Garcia, Jonathan Aldave at Alwyn Alday, umangat ang Volcanoes sa 39-21 hanggang makuha ang ikaapat na sunod na panalo sa paglista ng 12-11 slate ng South division. May naambag na 20 points si Buenafe, 6 rebounds, 6 assists, 2 steals at tulong ni Garcia na 15 points,may tig-13 sina Aldave at Alday nang lusawin ng Volcanoes ang Patriots, 8-14.





Comments